NAGBABALA ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko laban sa mga nagpapanggap na eksperto na nag-aalok umano ng serbisyo upang baguhin ang resulta ng halalan kapalit ng malaking halaga.
Ayon kay CICC Executive Director Alexander K. Ramos, napakakomplikado ng automated election system (AES) kaya’t hindi ito madaling ma-hack.
Ang babala ay inilabas matapos magsampa ng reklamo si Commission on Elections (COMELEC) Chairperson George Garcia laban kay Atty. Jeryll Harold Respicio, isang kandidato sa pagka-bise alkalde sa Reina Mercedes, Isabela.
Inakusahan si Respicio ng pagpapakalat ng maling impormasyon matapos nitong sabihin sa isang video na kaya niyang manipulahin ang mga vote-counting machine.
Ipinaliwanag ng CICC na may tatlong independent security layers ang AES upang matiyak ang integridad ng resulta ng eleksiyon.
Ang sistema ay may mataas na antas ng encryption at mahigpit na protocol upang hindi ito mapasok ng mga hacker.
Hinimok ng CICC ang publiko, lalo na ang mga kandidato, na agad i-report sa hotline 1326 ang sinumang mag-aalok ng ilegal na serbisyo para baguhin ang resulta ng halalan.
Follow SMNI News on Rumble