Mambabatas dismayado sa paraan ng paghawak ng BOC sa P202M smuggled mackerel

Mambabatas dismayado sa paraan ng paghawak ng BOC sa P202M smuggled mackerel

PINURI ni Rep. Nicanor “Nikki” Briones ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Party-list, ang Department of Agriculture sa pagsisiyasat sa nasabat na mackerel. Malaki aniya ang epekto ng smuggling sa lokal na sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Naniniwala si Briones na ang kaso ay dapat na mapasailalim sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na mayroong parusang non-bailable, lifetime imprisonment, at limang beses na multa sa halaga ng nakumpiskang produkto. Dapat din aniya’y manguna ang enforcement groups ng Economic Sabotage Council, tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Coast Guard, sa imbestigasyon.

Kinuwestiyon ni Briones kung bakit Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ang ginagamit ng Bureau of Customs (BOC) sa kaso.  Aniya, dapat i-turn over ito ng BOC sa NBI o Economic Sabotage Council para maparusahan agad ang mga smuggler, at hindi dapat pinangungunahan ng BOC ang pagsampa ng kaso.

Yung nga ang kataka-taka, final na nila ang kaso through CMTA. Alam naman nilang may bagong batas na Economic Sabotage Act, mukhang meron na naman silang gustong lutuin diyan,” pahayag ni Rep. Nicanor “Nick” Briones, AGAP Party-list.

Paliwanag ni Briones, malinaw na technical smuggling ang nangyari dahil sa misdeclaration at ang halaga ng mga kalakal ay mahigit P200M. Sa bagong batas, non-bailable na ang kaso kung mahigit P10M ang halaga ng smuggled goods. Sa CMTA naman, bailable ang mga kasabwat at maaaring i-donate ang mga nakumpiskang produkto, hindi tulad sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act kung saan dapat i-condemn o sirain ang mga ito.

“At iyang supply na iyan worth P200M, dapat ‘yan kino-condemn. Ayon sa batas ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, lahat ng products na mahuhuli, ‘yan ay ide-destroy, iko-condemn, hindi pwedeng ibigay sa kung kanino, i-donate dahil iyan ay smuggled,” dagdag ni Briones.

Nanawagan naman si Briones kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang kaso at panagutin ang mga sangkot, kabilang ang mga consignee, broker, at mga tiwaling opisyal sa Customs.  Naniniwala siya na kailangan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas para mapigilan ang smuggling.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble