CAAP, nagbabala sa publiko na mag-ingat sa matinding init sa mga paliparan

CAAP, nagbabala sa publiko na mag-ingat sa matinding init sa mga paliparan

NAGBABALA ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa mga pasahero na maging handa sa matinding init ngayong tag-araw, lalo na sa ilang mga paliparan kung saan umabot na sa 42-45 degrees Celsius ang heat index.

Ayon sa limang araw na heat index na kinuwenta ng PAGASA mula Pebrero a-28 hanggang Marso a-3, nakararanas ng matinding init ang ilang paliparan.

Ang mga apektadong lugar ay kinabibilangan ng Tuguegarao City, Cagayan, Isabela, Virac, at Masbate, kung saan umabot sa 42 hanggang 45 degrees Celsius ang temperatura.

Dahil sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong tag-init, hinimok ng CAAP ang publiko na maging handa sa mas mataas pang temperatura.

Nakipag-ugnayan na ang CAAP sa mga pinapatakbo nitong paliparan para mapabuti ang kaginhawaan at kaligtasan ng mga pasahero. Nariyan lang din ang Malasakit Help Desk para tumulong sa mga biyahero.

Naninindigan ang CAAP sa pagpapanatili ng mga pamantayan sa kaligtasan para sa kapakanan ng lahat ng pasahero at tauhan. Patuloy din ang pakikipagtulungan ng ahensya sa Department of Transportation.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter