DAAN-daang residente mula sa lungsod ng Parañaque ang nagtipon-tipon sa Airport Village Sports Complex, Brgy. Moonwalk, Parañaque City para ipaabot ang kanilang buong pusong pagsuporta sa senatorial slate ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP).
Kasabay ito ng ginawang pagtitipon ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Hong Kong bilang pasasalamat kay dating pangulong Rodrigo Duterte na pinamagatang “Salamat PRRD”.
Bata, matanda, babae, lalaki, at iba’t ibang sektor, iisa lang ang sigaw—ibalik ang Duterte sa pamahalaan.
“DUTERTE! DUTERTE! DUTERTE!”
Kabilang sa mga dumalo ay ang mga kababayang Muslim na nangakong iboboto ang lahat ng kandidato sa ilalim ng PDP dahil sawa na sila sa korapsiyon ng kasalukuyang administrasyon.
Para sa kanila, numero uno sa kanilang listahan si Pastor Apollo C. Quiboloy dahil sa kaniyang platapormang Zero Corruption.
Muslim sector at Indigenous People, hindi naniniwala sa mga paratang laban kay Pastor ACQ
Ayon kay Juliet Panergo, representante ng Muslim sector, kailangang-kailangan sa Senado ang isang Pastor Apollo upang tuldukan ang korapsiyon sa gobyerno at mapabuti ang kalagayan ng mahihirap.
“Kailangan natin si Senator Apollo Quiboloy dahil sa kanyang Zero Corruption na plataporma. Kailangan ito ng buong Pilipinas, lalo na ng mahihirap na pinapabayaan ng administrasyon ngayon,” ani Juliet Panergo, Representante ng Muslim Sector.
Samantala, ayon kay Ferlin Anggot-Dano, representante ng Indigenous People, paninira lamang ang mga akusasyong ibinabato laban kay Pastor Apollo dahil sa pagiging malapit nito kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“Para sa akin, paninira lang po ‘yan kasi sanggang-dikit po siya ni President Duterte,” saad ni Ferlin Anggot-Dano, Representative, Indigenous People.
Ganito rin ang paninindigan ni Pajo Astilla, representante ng Endeavor Power Group, na naniniwalang si Pastor Apollo ang nararapat na maging boses ng bayan at ng mga inaapi.
“Mahalaga ang sinasabi ni Pastor Quiboloy dahil sa kanyang dinanas, at hindi lang siya kundi pati ang buong KOJC. Tama lang na ipagtanggol ang mga inaapi at buong Pilipino,” pahayag ni Pajo Astilla, Representative, Endeavor Power Group.
Mga representante mula sa iba’t ibang sektor, nananawagan na iboto ang lahat ng kandidato ng PDP
Sa huli, nanawagan ang mga representante mula sa iba’t ibang sektor na suportahan ang buong senatorial slate ng PDP upang mapanatili ang Duterte leadership.
“Kailangan natin suportahan straight ang PDP-Laban, kasama ang dalawang independent candidates na sina Pastor Apollo Quiboloy at Sen. Allen Capuyan. Para kay VP Sara, hindi siya dapat ma-impeach. Go, go, go tayo para pagtibayin ang Team Duterte!” ayon kay Panergo.
“Talagang hinihikayat ko ang lahat na suportahan ang Team Duterte, si Pastor Apollo Quiboloy, at si Sir Allen Capuyan para wala nang impeachment kay VP Sara sa June 2, 2025,” pahayag ni Anggot-Dano.
“Siyam lang tayo, ang Team Duterte at kailangan natin ipasok ang buong siyam na ‘yan para matiyak natin ang pagbabago sa Senado” ayon pa kay Astilla.