KAILANGANG maipagpatuloy ang war-on-corruption at gumawa ng batas na makasisigurong maikukulong ang mga politiko na inuusig lalo na kung hinggil sa korapsyon.
Dahil dito, iginiit ni dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica sa panayam ng Sonshine Radio, na kailangan nang maglagay ng anti-corruption police.
Ito’y upang mapa-igting ang pagpatutupad ng anti-corruption laws at ito aniya ang kanyang isusulong sakaling papalarin bilang senador sa 2022 elections.
“Kailangan maglagay ng anti-corruption police at dedicated sa pagpapatupad ng anti-corruption laws. Kailangan po palakasin yung inilatag po namin na anti-corruption committees sa buong Pilipinas sa buong gobyerno hanggang sa mga barangay, para po ang napoprosecute for corruption talagang makukulong ng mabilis na panahon, kailangan po ang hearing ay gawing public gaya ng meron sa Senado.”
“And lastly of course kailangan nating ibalik ang parusang kamatayan sa karumal-dumal na krimen na ito,” pahayag ni Belgica.
Sinabi ni Belgica na ang paglalagay ng anti-corruption laws ay magpapa-igting sa laban ng bansa kontra sa katiwalian.
Mas maganda rin aniya kung lalawak pa ang hurisdiksyon ng PACC sa mga government official mapa-high o low-ranking man ito.
Samantala, ayon kay Belgica, mas mainam din na mga bagong mukha ang iluluklok sa Senado sa susunod na eleksiyon dahil wala nang bagong mailalagay na batas ang isang matagal na senador.