NANINIWALA ang dating National Security Adviser Norberto Gonzales na may lumalalang instability sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito’y habang naniniwala naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na suportado ng mga residente ang kapayapaan sa rehiyon.
Noong Marso 15, hinagisan ng granada ang detachment ng 6th Infantry Division sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, na nagresulta sa pagkasugat ng apat na sundalo. Ayon sa militar, posibleng ganti ito ng mga terorista matapos ang sunud-sunod na pagsuko ng kanilang mga kasamahan.
Ayon kay Gonzales, lumalala ang kaguluhan sa BARMM dahil hindi umano sinunod ng gobyerno ang mga rekomendasyon ng MILF at MNLF.
“Nagkakaroon ng instability ulit sa Moro areas kasi nga ‘yung pagkakapalit sa BARMM, hindi sinunod ng gobyerno ‘yung rekomendasyon ng MILF at MNLF… magsisimula ang mga maliliit na kaguluhan sa area,” ani Gonzales.
Dagdag niya, maaaring lumawak pa ang ganitong insidente kung hindi ito aaksiyunan ng administrasyon.
Samantala, iginiit naman ng AFP na patuloy ang kanilang mga hakbang para sa kapayapaan at naniniwala silang nasa panig ng peace process ang mga mamamayan ng BARMM.
Patuloy ang operasyon ng mga awtoridad upang mahuli ang nasa likod ng naturang pag-atake.
Follow SMNI News on Rumble