Inangkat na imported rice bumaba sa unang kwarter ng 2025

Inangkat na imported rice bumaba sa unang kwarter ng 2025

INIULAT ng Department of Agriculture (DA) na bahagyang bumaba ang angkat na bigas sa unang kwarter ng 2025, ngunit ayon sa Federation of Free Farmers (FFF), posibleng naghihintay lang ng tamang tiyempo ang mga importer.

Hindi pa sapat ang produksiyon ng bigas sa Pilipinas sa ngayon. Ayon sa datos, tinatayang 75% lamang ng pangangailangan sa bigas ang naaani sa loob ng bansa, kaya’t kinakailangang punan ang kakulangan na 25% sa pamamagitan ng importasyon.

Ngayong 2025, iniulat ng DA ang bahagyang pagbaba ng dami ng inangkat na bigas.

Mula Enero hanggang Marso, naitala ang higit 600,000 metriko toneladang imported rice—mas mababa ito kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

“Compared it to last year at least ‘yung end ng March. Last year, ang pumasok sa atin ay almost 1.2 million metric tons from January to March. Last year, ang January ay 430,000 metric tons, ang February ay 342,000, ang March ay 415,000—so ang lalaki nun,” ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel De Mesa.

Ayon sa DA, isa sa mga dahilan ng mataas na pag-angkat ng bigas noong 2024 ay ang pangamba sa epekto ng El Niño phenomenon, na maaaring magdulot ng matinding tagtuyot sa mga palayan.

Bahagyang nakatulong din umano sa sitwasyon ngayong taon ang pagbaba ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado at ang mga hakbang ng India kaugnay sa kanilang rice export policies.

“So, ibig sabihin mababa, ibig sabihin nito na malaki talaga ‘yung pumasok na bigas last year plus ‘yung magiging expectations na magiging maganda ‘yung harvest this year. So, makikita natin na nag-a-adjust ‘yung importations,” dagdag pa ni De Mesa.

Ngunit ayon sa Federation of Free Farmers (FFF), bagamat bumaba ang bilang ng mga inangkat na bigas ngayong taon, hindi ito nangangahulugan ng positibong epekto para sa mga lokal na magsasaka.

Sa katunayan, bumagsak na umano ang presyo ng palay sa ilang probinsya sa Central Luzon, na ngayon ay umaabot na lamang sa P14 kada kilo.

Isa sa mga nakikitang dahilan nito ay ang patuloy na pagbaba ng presyo ng imported rice sa ilalim ng Maximum SRP.

Dahil dito, ayon sa grupo, posibleng panandalian lamang ang iniulat ng DA, dahil maaaring pansamantalang nag-aantay lamang ng tiyempo ang mga importer.

“Naghihintay lang sila ng pagkakataon. Kapag lumiwanag na ‘yung situation, then they will resume imports. For sure, they will resume imports kasi kulang naman talaga tayo at tsaka medyo mura ngayon sa international. So, kaunting pahinga lang muna ‘yan and then papasok na naman ‘yan,” ayon kay FFF National Chairman Raul Montemayor.

Giit ng FFF, babaha ulit ng imported rice sa bansa sa mga susunod na buwan—bagamat posibleng hindi kasing taas ng naitalang dami noong 2024.

Ayon pa sa grupo, mukhang mas binibigyang prayoridad ngayon ng gobyerno ang pagpapababa ng presyo ng bigas para sa mga mamimili, ngunit sa kabilang banda, mas lalong nalulugi ang mga lokal na magsasaka.

“Dini-deny nila na bumababa ang presyo ng palay. So, saan sila nakakakuha ng feedback nila? Para bang they are not worried on the palay price going down. Pero, kapag presyo ng bigas—lahat na lang ginawa nila eh,” dagdag pa ni Montemayor.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble