Mga Negrense nagkaisa sa Birthday Tribute Rally para kay FPRRD

Mga Negrense nagkaisa sa Birthday Tribute Rally para kay FPRRD

MAINIT na suporta ang ipinakita ng taga-Negros Oriental sa Birthday Tribute Rally para kay FPRRD kung saan suportado ito ng lokal na liderato, partikular sa Dumaguete City.

Bandang ala-una pa lang ng hapon, naka-set up na ang venue para sa makasaysayang aktibidad ngayong araw sa Pantawan II, Rizal Boulevard, Dumaguete City—ang paboritong tambayan ng mga Dumagueteño.

Bilang ama ng lungsod, kinumpirma ni Mayor Ipe Remollo na binigyan niya ng permit ang pagtitipon ng Duterte supporters ngayong gabi. Ang tanging hiling niya: isang mapayapa at matiwasay na aktibidad.

Bagamat saglit na umambon kanina, hindi ito naging hadlang. Pagkalipas ng ilang sandali, nagsidatingan na ang Duterte supporters, nagtipon-tipon, at sabik na sinimulan ang Tribute Rally upang ipagdiwang ang ika-80 kaarawan ni FPRRD.

Eksaktong alas-5:30 ng hapon nang dumating si PDP senatorial candidate Rodante Marcoleta, na matapang na binigyang-diin ang kahalagahan ng pag-boto sa lahat ng PDP-Laban senatorial candidates bilang katuparan sa birthday wish ni Tatay Digong.

Hindi rin nagpaiwan ang mga lokal na kandidato na nagbigay ng kanilang suporta, kabilang sina gubernatorial candidate Henry Teves at 2nd district congressional candidate at kasalukuyang Dumaguete City Mayor Ipe Remollo.

Bilang pagpapakita ng pagtitiwala sa lokal na pamumuno, itinaas mismo ni Marcoleta ang kamay ng mga pambatong lider ng Negros Oriental—partikular na sina Henry Teves at Atty. Deo Remollo, na anak ni Mayor Ipe Remollo at tumatakbo bilang 2nd district congressional candidate ng Partido Tupad Dumaguete.

Malaking bagay ito para kay Atty. Deo Remollo, na ngayon ay nasa laban para sa pagka-alkalde ng Dumaguete City.

Sunod namang dumating ang nag-iisang pambato ng Visayas—PDP senatorial candidate Jayvee Hinlo. Matapang niyang tinuligsa ang matinding korapsyon sa bansa at inilatag ang kanyang mga hakbang para sa pagrebisa ng ilang umiiral na batas upang mas mapanagot pa ang mga tiwaling opisyal sa gobyerno.

Ang matagumpay na aktibidad na ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng iba’t ibang grupo na kinabibilangan ng:

  • DDS Sara All Confederation
  • Reporma Pilipinas
  • PDP-Laban
  • Maisug Dumaguete

Hindi lang Dumaguete City ang nagdiriwang para kay FPRRD—maging ang bayan ng San Jose, Amlan, at Tanjay ay kasabay na nakikiisa sa selebrasyong ito.

Follow SMNI NEWS on Twitter