PINAPAYUHAN ng Department of Health (DOH) ang publiko na dumiretso sa iba pang ospital ng ahensya kung nangangailangan ng agarang medikal na atensyon, matapos maabot ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) ang overcapacity ng ospital nitong Huwebes.
Ayon kay DOH Sec. Ted Herbosa, kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa UP-PGH para sa posibleng paglilipat ng kanilang mga pasyente sa iba pang ospital ng DOH.
Dagdag pa niya, lahat ng ospital, klinika, ambulansya, at mga doktor ay pinapayuhang pansamantalang huwag magdala ng bagong pasyente sa UP-PGH.
Batay naman sa imbestigasyon ng UP-PGH, walang anumang hindi pangkaraniwan o mapanganib na dahilan sa biglang pagdami ng pasyente, at inaasahang bababa rin ang bilang nito sa mga susunod na araw.
Naunang naiulat na umabot na sa kritikal na antas ang dami ng pasyente sa emergency room ng PGH.
Dahil dito, ipinairal ng ospital ang “code triage”—isang sistemang inuuna ang mga pasyenteng may matinding emergency o banta sa buhay.
Ayon kay PGH Spokesperson Jonas Del Rosario, ginagawa ng ospital ang lahat upang matugunan ang sitwasyon at matiyak na agad na mabibigyan ng lunas ang mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensyon.