NCRPO: Motibo ng operasyon ng walong EPD-pulis sa Las Piñas, pagnanakaw

NCRPO: Motibo ng operasyon ng walong EPD-pulis sa Las Piñas, pagnanakaw

NANINIWALA ang isang opisyal ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na pagnanakaw talaga ang pakay ng ilegal na operasyon ng walong pulis ng Eastern Police District Special Operations Unit laban sa isang dayuhan sa Las Piñas nitong Abril 2.

Ayon kay NCRPO Deputy for Administration PBGen. Rogelio Penones, ginamit lamang na disguise ng mga pulis ang arrest warrant laban kay Jie Li, isang Chinese national sa kasong illegal possession of firearms.

“Yes kami ay naniniwala na talagang na pagnanakaw talaga ‘yun dahil ‘yung sinerve nilang warrant disguise lang ‘yun para majustify ‘yung presence nila pero kapag titingnan natin the ultimate motive is pagnanakaw lang talaga,” wika ni PBGen. Rogelio Penones Jr., Deputy for Administration, National Capital Region Police Office.

NCRPO: Operasyon ng EPD-pulis sa isang Chinese national sa Las Piñas, kaso ng mistaken identity

Sa imbestigasyon, napag-alaman na matagal na palang naaresto ng CIDG ang totoong Jie Li sa kasong illegal possession of firearms noong pang 2023, habang ang dayuhan naman na subject ng operasyon ng EPD-pulis ay wala naman palang kasalanan.

“So doon palang marami na violations and worst thing na nangyari yung hinuli nila hindi pa ‘yun ‘yung totoong Mr. Jie Li. So, there was already mistaken identity because the original Mr. Jie Li was already arrested by CIDG on March 9, 2023 for the same violation,” saad ni PBGen. Rogelio Penones Jr., Deputy for Administration, National Capital Region Police Office.

Bagay na agad itong nagreklamo sa mga awtoridad ng pagnanakaw matapos na limasin ang P27M cash nito, mga mamahaling alahas gaya ng relo at gold bar.

Patung-patong na kaso, isasampa ng PNP laban sa walong pulis ng EPD

Ayon sa PNP Internal Affairs Service Inspector General Atty. Brigido Dulay, pinag-aaralan na nila ang pagsasampa ng patung-patong na kaso laban sa walo, kabilang na ang criminal cases gaya ng kidnapping, robbery-extortion, at serious illegal detention.

“Ang garapal na pagsasagawa ng operasyon ito, mula sa kawalan ng body-worn camera recording, sinadyang pagwasak ng CCTV cameras at footage, hanggang sa hindi agarang pagsurrender at pag-account ng mga nakumpiskang items—malinaw ang pagsuway sa batas at sa tamang procedure ng pulis,” wika ni Atty. Brigido Dulay, Inspector General, PNP-IAS.

Habang awtomatikong mahaharap sa kasong administratibo ang mga ito gaya ng grave neglect of duty dahil sa hindi pagsusuot ng body-worn camera sa gitna ng isang operasyon, grave misconduct at dishonesty matapos na sirain ng mga ito ang CCTV camera at footages nito.

Hindi rin isinurrender ang mga nakumpiskang items, na malinaw na pagsuway sa police operational procedures.

Kinilala naman ang mga suspek na sina PSSG John Kenneth Domingo, PSSG Aldin Saligo, PSSG Mario Tabaoda, PSSG Ana Marie Duran, PCPL John Benson Leonoras, PCPL Mark Gil Justo, Patrolman Mark Anthony Bonifacio, at Patrolman Jearamie John Entorum.

Sa ngayon, tinututukan din ng IAS ang posibilidad na mas marami pa sa walong operatiba ng DSOU ang sangkot sa insidente, habang pinag-aaralan na rin ang command responsibility ng mga nakatataas na opisyal na maaaring nagpabaya, pumayag o hindi pinigilan ang nasabing operasyon.

Sa huli, aminado ang PNP na isa na naman anila itong pagsubok sa integridad ng kanilang hanay. Gayunpaman, tiniyak nila na hindi makalulusot ang ganitong gawain, lalo na ang pang-aabuso sa kapangyarihan.

“Isa itong pagsubok sa integridad—hindi lang para sa IAS kundi para sa buong organisasyon ng PNP. Utang natin sa taumbayan na tiyaking walang sinuman, lalo na ang mga tagapagtanggol ng batas ang dapat na umabuso sa kapangyarihan,” ayon kay Atty. Brigido Dulay, Inspector General, PNP-IAS.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble