Hepe ng 8 EPD-SOU personnel na sangkot sa pagnanakaw sa isang dayuhan, nag-AWOL

Hepe ng 8 EPD-SOU personnel na sangkot sa pagnanakaw sa isang dayuhan, nag-AWOL

PINAGHAHANAP na ngayon si Police Major Emerson Coballes, hepe ng EPD Special Operations Unit, matapos madawit ang kaniyang mga tauhan sa umano’y robbery-extortion sa isang Chinese national na si Jei Li.

Ayon sa ulat, milyun-milyong halaga ng pera at alahas ang nakuha sa biktima noong Abril 2, sa Las Piñas City.

“At present, at large pa rin ‘yung team leader ng DSOU. At large pa rin si Maj. Coballes at patuloy pa rin natin siyang pinaghahanap,” wika ni PBGen. Rogelio Peñones, Deputy for Administration, NCRPO.

Bagama’t hindi kasama si Coballes sa mismong operasyon, iniimbestigahan pa rin ang posibleng pananagutan niya, lalo na’t siya ang pumirma sa pre-operation clearance.

“Yes actually hindi siya kasama doon sa actual operation that’s why what we did is we immediately arrested those who were involved doon sa operation na ‘yun but si Maj. Cubillas ‘yung team leader wala talaga siya doon,” ayon pa kay Peñones.

Lumabas sa imbestigasyon ng NCRPO na si Coballes lang ang pumirma sa pre-operation clearance—isang malinaw na paglabag, dahil dapat ito’y dumaan sa District Deputy for Operations ng EPD.

“’Yung kanilang pre-coordination hindi rin maayos, yung pre-operations clearance was only signed by the team leader nung DSOU. So doon pa lang na siya lang ang pumirma ng pre-operations clearance where in fact it should be signed by the DDO of the EPD,” aniya.

Ang kaso, matapos na maaresto ang mga tauhan nito, agad namang nag-AWOL si Coballes na siya namang target ng pursuit operation ng mga pulis para sa kaukulang kaso laban rito.

“Immediately he went on AWOL that’s why we are still looking for him and appropriate charges will be charged against him,” aniya pa.

Dahil sa insidente, sinibak sa puwesto ang 31 personnel ng EPD-SOU. Kasama rito ang direktor mismo ng EPD na si PBGen. Villamor Tuliao, para bigyang-daan ang mas malalim na imbestigasyon.

Mariin nang kinondena ng EPD ang operasyon, pero dahil sa command responsibility, nadamay pati ang matataas na opisyal.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng PNP para matukoy kung sino-sino pa ang sangkot sa ilegal na operasyon.

Samantala, puspusan pa rin ang pagtugis kay Maj. Coballes, na siyang sinasabing susi sa kabuuang insidente.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble