Senatorial Campaign Tracker
Labingsiyam na araw na lang bago ang inaabangang halalan sa Mayo a-dose, kaya’t mas pinaiigting ng mga kandidato ang kanilang pangangampanya! Walang tigil ang kanilang pag-iikot—mula sa malalayong baryo hanggang sa mataong lungsod, sinisikap nilang maabot ang bawat Pilipino para iparating ang kanilang mga plataporma at adhikain.
Sa bawat kaway, pakikipagkamay, at pagharap sa taumbayan, hangad nilang makuha ang tiwala at suporta ng publiko. Lahat ng estratehiya, ginagamit—mula sa matinding door-to-door campaigns hanggang sa malalaking rally—para tiyakin na sila ang pipiliin sa darating na halalan.
Narito ang pinakabagong kaganapan sa patuloy na pag-iikot ng mga kandidato sa iba’t ibang panig ng bansa.
Simulan natin sa Sogod, Southern Leyte kung saan isinagawa ang PDP-Laban Grand Rally kasama ang ilan sa Duterte Senatorial Candidates na sina Pastor Apollo C. Quiboloy, Atty. Jayvee Hinlo, Atty. Vic Rodriguez, Dr. Richard Mata, at ang mga ipinadalang representante ng ibang PDP senatiorables. Dinaluhan ito ng libu-libong tagasuporta sa nasabing lugar.
Sinuyod naman ni reelectionist Senador Christopher “Bong” Go ang iba’t ibang barangay ng Cainta, Rizal para makamusta ang mga kababayan.
Habang siya’y nag-iikot, pinakyaw ni Mr. Malasakit ang nilagang mani na tinda ng isang matandang babae at bumili rin ng kwek-kwek habang nagmo-motorcade, bilang pagpapakita ng suporta sa small vendors.
Nandoon din si Atty. Rodante Marcoleta.
At ‘di rin nagpahuli si “Kuya Ipe”.
Sa ibang parte naman ng Rizal, nakilahok si Atty. Jimmy Bondoc sa motorcade na inorganisa ng kanyang kapartido. Sa Antipolo at Taytay, namahagi si Mr. Let Me Be The One ng mga t-shirt at pamaypay kung saan naging mainit ang pagtanggap sa kanya.
Lumahok din pala sa “Ayusin Natin Ang Pilipinas” campaign rally sa Sogod, Leyte si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa habang siya’y nagpapatuloy sa kanyang inter-island na pangangampanya.
Habang nagmo-motorcade ang ilan sa kanyang mga kapartido, si Bato naman, naki-bideoke kasama ang mga residente.
Samantala, muling nag-live si Atty. Raul Lambino sa kanyang social media post habang nag-ikot sa China Town sa Binondo, Maynila. Pumayag siyang magpa-interview at tinalakay niya ang tungkol sa mga isyu na kinakaharap ng bansa, gaya ng bad governance at muling pag-usbong ng kriminalidad.
Nag-ikot naman sa Mandaluyong City si Bam Aquino at nakasalamuha ang ilan sa mga residente doon.
Bago dumalo sa isang Senate hearing, bumisita muna sa mga lungsod ng San Fernando at Angeles sa Pampanga si Senador Francis Tolentino kung saan nag-uumapaw ang suportang ipinakita ng mga Kapampangan sa kanya.
Nandoon din ang ka-alyansa niyang si Bong Revilla para magsagawa ng isang motorcade.
Pero bago riyan, dumaan muna siya sa SM Pampanga at naki-selfie sa mga maller doon.
Still in Pampanga, lipat naman tayo ng onte sa Mabalacat kung saan nangampanya si Kiko Pangilinan.
Samantala, nagtungo sa Binangonan, Rizal si Mar Valbuena at doon, nakadaupang palad niya ang mga jeepney driver.
Habang masaya namang nakasama ni Camille Villar ang mga senior citizen sa kanyang pagtungo sa Olongapo City.
At ‘yan ang pinakahuling update sa nagpapatuloy na campaign period para sa darating na halalan sa Mayo.
Patuloy nating bantayan ang bawat galaw, plataporma, at paninindigan ng mga kandidato para mas maging matalino at mapanuri tayo sa pagpili ng ating susunod na mga senador.
Para sa mas marami pang updates, manatiling nakatutok dito lamang sa SMNI.