SIYAM pang kandidato ang inisyuhan ngayon ng show cause order ng Committee on Kontra Bigay ng Commission on Elections (COMELEC) dahil sa alegasyon ng vote buying at posibleng paggamit ng state resources sa pangangampanya.
Ang mga padadalhan pa ng Show Cause Order ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia ay si Manila Mayoral Candidate Isko Moreno Domagoso at kaniyang katunggali na si Rep. Sam Versoza.
Inaakusahan si Moreno ng pamimili ng boto dahil sa pamimigay ng P3,000 sa mga guro, habang namahagi naman daw si Versoza ng mga de lata na may pangalan niya.
Una nang sinabi ng COMELEC na ang pamimigay ng anumang bagay na may halaga ngayong kampanya ay maituturing na vote buying.
Bukod naman sa dalawang mayoral candidate ng Maynila, may show cause order din ang re-electionist na si Caloocan City Mayor Along Malapitan dahil sa pamimigay ng mahigit P3,000 sa Galini covered court.
Inaakusahan din ng vote buying sina Julian Edward Emerson Coseteng na kandidatong konsehal sa Quezon City; Baybay City, Leyte Mayoral Candidate Marilou Baligod at Leyte 5th District Congressional Candidate Atty. Levito Baligod.
Kasama din sa listahan ng padadalhan ng show cause ay si Kat Hernandez na kandidato ng Board Member ng Bulacan; si Jerry Jose na kandidato sa pagka-konsehal ng Villaverde at Masbate gubernatorial candidate Richard Kho.
Ayon kay COMELEC Executive Director at Vice Chairperson ng Commitee on Kontra Bigay na si Teofisto Elnas, sisikapin nilang may masampolan na mga kandidato dahil sa pamimili ng boto.
Sa isang facebook live naman ay kinuwestyon na ni Sam Versoza ang show cause order.
Sa halip, itinuro niya ang San Andres Sports Complex kung saan naroon daw totoong bilihan ng boto.
Sa mga larawan naman na kumalat sa loob ng sports complex, may bigayan ng isang isang libong piso at bigas na may pangalan ni Re-electionist Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan
Ayon kay COMELEC Chairman Garcia, bukas ay padadalhan nila ito ng show cause order.
Samantala, sinuspinde muna ng COMELEC ang binigay na exemption sa provincial government ng Batangas sa ilalim ng pamamahala ng Governor Hermilando “Dodo” Mandanas matapos makatanggap ng report na ang pera ng Provincial Govt ay nagagamit para makaimpluwensya ng mga botante.
Samantala, ang COMELEC Division, kinansela naman ang registration ng PBBM (Pilipinas Babangon Muli Partylist), dahil sa misrepresentation.