SA nakalipas na tatlong taon, naging malinaw sa maraming Pilipino na hindi prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang kapakanan ng taumbayan.
Hindi lamang ito sumasalamin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at iba pang bayarin, kundi pati na rin sa kakulangan ng malasakit sa mga Pilipino.
Ayon sa political strategist na si Prof. Malou Tiquia, mahalaga ang pagbabantay ng taumbayan sa usapin ng pambansang pondo na nagmumula sa buwis ng mga mamamayan.
Isa sa mga pangunahing pinaglalaanan ng pondo upang pagaanin ang buhay ng mga Pilipino ay ang PhilHealth para sa kalusugan, at mga proyektong pang-imprastruktura para sa ikauunlad ng pamumuhay ng bawat isa.
Sa mga darating na araw, inaasahang sisimulan na ang mga oral argument kaugnay sa isyu ng budget.
Hinikayat ni Tiquia ang publiko na subaybayan ang mga pagdinig upang higit na maunawaan ang klase ng pamumuno ng ehekutibo at lehislatura, at malaman kung sino ang tunay na nagsusulong ng interes ng taumbayan.
Prof. Tiquia: 2025 Midterm Elections, magtatakda sa hinaharap ng politika sa 2028
Samantala, habang papalapit ang 2025 midterm elections, binigyan ng diin ang magiging epekto nito sa hinaharap ng politika sa bansa, lalo na sa direksiyon ng 2028 presidential at vice-presidential race.
Magsisilbi itong mahalagang hakbang upang mapili ang mga lider na magtatakda ng mga polisiya para sa susunod na administrasyon.
Kamakailan, ayon sa Pulse Asia, nanguna si Vice President Sara Duterte sa mga opisyal ng pamahalaan na may pinakamataas na approval ratings, na may 61% na suporta mula sa publiko.
“Mahalaga ang 2025 kasi makikita natin, alam mo surprisingly ngayon lang ako nakakita ng balik ng trust rating sa ating kasaysayan. Usually dun sa sobra-sobrang pagtama na ginawa ni Speaker, ng pulahan, ng administrasyon na ito kay VP Sara, manlulumo ka kasi talagang binuhat na pati bahay para itapon sa kanya,” ani Prof. Malou Tiquia, Political Strategist.
Sabi pa ni Tiquia, ang mataas na antas ng tiwala mula sa publiko sa Pangalawang Pangulo ay hindi lamang mahalaga sa panahon ng halalan, kundi nagsisilbi ring panangga laban sa mga banta tulad ng impeachment.“Natutuwa ako diyan dahil ang trust rating na mataas, ‘yan ang currency mo sa eleksyon, at ‘yan ay currency mo sa impeachment. Biruin mo kung ang trust rating mo ay nasa high na 61%, paano mo hindi pagkakatiwalaan ang ganito,” giit ni Prof. Tiquia.
Sabi pa ni Tiquia, para sa mga nagnanais umupo sa pinakamataas na posisyon sa bansa, magiging mahalaga ang resulta ng 2025 midterm elections bilang sukatan ng kanilang lakas at tunay na suporta mula sa taumbayan.
Sa darating na halalan, higit pa sa mga pangalan at partido ang nakataya—ito’y laban para sa tiwala, paninindigan, at kinabukasan ng sambayanang Pilipino.