NANAWAGAN si Sen. Joel Villanueva sa mga kasamahan niya sa Mababang Kapulungan na agarang ipasa ang panukalang batas na magtataas ng P100 sa arawang minimum wage ng mga manggagawa, sa gitna ng patuloy na pagsirit ng presyo ng bilihin at hirap ng mga manggagawa na mapagkasya ang kanilang kita sa araw-araw.
Sa isang press conference, sinabi ng senador na naipasa na ng Senado ang Senate Bill No. 2354 o ang P100 Daily Minimum Wage Increase Act, at kasalukuyang hinihintay na lamang ang aksyon mula sa House of Representatives.
“Inaapela po natin sa ating mga counterparts sa Kamara na ipasa na rin ito para maibsan ang napakahirap na kalagayan ng ating mga manggagawa,” pahayag ni Sen. Joel Villanueva.
Bagamat pinuri niya ang mga hakbang ng Regional Wage Boards na patuloy na nagtataas ng sahod sa ilang rehiyon, aminado ang senador na kulang pa rin ito para matugunan ang tunay na pangangailangan ng mga manggagawa.
“Sabi nga sa isang pelikula, ‘tinimbang ka ngunit kulang.’ Ganoon ang nararamdaman natin. Kulang na kulang pa rin,” dagdag ni Villanueva.
Binigyang-diin ng senador na maraming pag-aaral ang nagpapakita ng mababang antas ng sahod sa bansa kumpara sa ibang bansa sa rehiyon. Gayunman, kinilala rin niya ang pangangailangang panatilihin ang balanse upang hindi maapektuhan ang investments at negosyo sa Pilipinas.
“Kailangan nating hanapin ang gitna—kung saan magtatagumpay ang negosyo, pero disente rin ang kita ng manggagawa,” paliwanag niya.
Dagdag pa rito, tinukoy ni Villanueva ang isa pang panukalang batas—ang Senate Bill No. 2140—na naglalayong ireporma ang polisiya ng gobyerno sa pagtukoy ng minimum wage base sa konsepto ng “living wage” o sahod na sapat para sa disenteng pamumuhay.
Sa tanong kung may pag-asa pa bang maipasa ang wage hike bill bago matapos ang 19th Congress, sagot ng senador:
“May kasabihan nga na ‘if there is a will, there is a way.’”
Tungkol naman sa eksaktong halaga ng living wage, iginiit ni Villanueva na ito’y depende sa lokasyon at kalagayan ng isang lugar. Aniya, hindi dapat buwagin ang regional wage boards dahil mahalaga pa rin ang lokal na konteksto sa pagtukoy ng nararapat na sahod.
“Ang living wage ay dapat disente, may dignidad, at maipagmalaki ng bawat manggagawa,” aniya.
Follow SMNI News on Rumble