IMBES na matuwa, ay nagalit ang taumbayan sa pagsisimula ng P20 kada kilong bigas ng Department of Agriculture (DA) sa Cebu City.
Ang dahilan—sa halip na magsilbing konkretong tugon sa kagutuman, ang programa ay tinawag na propaganda matapos ilagay ang mukha ni Marcos Jr. sa packaging ng bigas, kahit malinaw na hindi naman galing sa sariling pondo ng Pangulo ang pambili nito.
Hindi napigilan ng ilang netizen na maglabas ng saloobin kaugnay ng programa sa unang araw ng Mayo.
Kitang-kita anila kasi ang larawan ni Marcos Jr. sa packaging, na tila ipinaparamdam sa mga tao na personal itong ayuda mula sa kaniya.
Pero malinaw—pondo ito ng gobyerno, buwis ng taumbayan, at hindi mula sa bulsa ng Pangulo.
Ilan sa mga komento ng netizens ay nagtatanong kung kandidato ba anila ang Pangulo, kaya’t mukha niya ang nakapronta sa packaging.
Habang ang iba naman ay kinuwestiyon ang timing ng programa, lalo’t kasalukuyan ang campaign period para sa nalalapit na halalan.
DA: Bentahan ng P20/kg na bigas sa mga ordinaryong konsyumer, ipinagpaliban sa Mayo 13
Kaugnay pa rin niyan, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi muna itutuloy ang nakatakdang bentahan ng P20 kada kilong bigas sa mga Kadiwa outlet sa Mayo 2.
Ngayong unang araw ng Mayo sana sisimulan ang bentahan ng bigas sa Cebu City, ngunit isang araw lang ito maaaring bilhin ng mga konsyumer, at tanging sa pamamagitan ng Kadiwa booth.
Paano ba naman kasi, isinabay ang programa sa panahon ng kampanya, kung kailan ipinatutupad ng COMELEC ang ayuda ban.
Ibig sabihin, kailangang humingi muna ng exemption mula sa COMELEC ang mga lokal na pamahalaan, maging ang mga ahensya ng gobyerno.
“Well, as far as the COMELEC is concern hindi pa namin nakukuha ‘yung approval to do or sa the Cebu government has not yet with the approval with the selling of the P20 kilo of rice in Cebu.”
“We do the actual selling on May 13 siguro ang target nito,” pahayag ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Dismayado umano si Laurel dahil maaantala ang bentahan ng bigas at posibleng matengga na naman ang mga suplay sa mga bodega.
Posibleng maapektuhan ang bilihan ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.
Gayunpaman, nasa 12,000 sako ng bigas ang ibinaba sa Kadiwa booth sa Cebu City.
Sakaling maubusan ng stock sa unang araw ng bentahan at humarap sa aberya sa logistics, may nakahandang alternatibong solusyon ang kalihim.
“For what I understand may local stocks din ang Cebu baka hiramin namin sa kanila at palitan nalang or we can actually sort outs naman sa local traders sa Cebu or retailers kung kinakailangan,” dagdag ni Laurel.