Mga senador nagkaisa sa pagpupugay at pagsusulong ng mga reporma para sa mga manggagawang Pilipino

Mga senador nagkaisa sa pagpupugay at pagsusulong ng mga reporma para sa mga manggagawang Pilipino

MGA guro, construction workers, healthcare workers, Overseas Filipino Workers (OFWs), at mga manggagawa sa pribado’t pampublikong sektor.

Ilan lamang ang mga ito sa bumubuo ng labor force ng Pilipinas.

Sa taunang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa o Labor Day, muling iginiit ng mga mambabatas ang kahalagahan ng mga manggagawang Pilipino.

Para kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, ang sipag at sakripisyo ng mga manggagawa ang bumubuhay sa bansa.

“Ang manggagawa ang tunay na haligi ng ekonomiya,” ayon kay Francis “Chiz” Escudero, Senate President.

Patuloy ang pagsusulong ni Sen. Joel Villanueva ng Trabaho Para sa Bayan Plan 2025–2034—isang pambansang employment masterplan na layong lumikha ng mga ligtas at disenteng trabaho, lalo na para sa kabataan.

“Hindi sapat ang pasasalamat lang. Dapat may konkretong aksyon,” ayon kay Sen. Joel Villanueva.

Kabilang sa panukala ni Villanueva ang P100 wage hike at pagtatakda ng “living wage” sa halip na simpleng minimum wage.

Panawagan naman ni Sen. Alan Peter Cayetano, panahon na para bumuo ng isang komisyon na tututok sa tunay na halaga ng sahod ng bawat pamilyang Pilipino.

“Living wage ang sagot para sa makataong lipunan,” wika ni Sen. Alan Peter Cayetano.

Ayon sa kaniya, isang Executive-Legislative Labor Commission ang magiging plataporma ng pagkakaisa ng gobyerno at pribadong sektor.

Sa sektor ng edukasyon, isinusulong ni Sen. Win Gatchalian ang pag-amyenda sa 58-taóng Magna Carta for Public School Teachers.

“Panahon na para kilalanin ang sakripisyo ng ating mga guro,” saad ni Sen. Sherwin Gatchalian.

Layon nitong ibaba ang teaching hours, dagdagan ang benepisyo, at alisin ang non-teaching duties ng mga guro.

Samantala, sa Bulacan, muling iginiit ni Senador Bong Go ang pagpasa ng wage hike bill kasabay ng kanyang pagbisita.

“Ang laban ng manggagawa, laban din ng gobyerno,” wika ni Sen. Christopher “Bong” Go.

Tiniyak din niyang palalakasin pa ang mga serbisyong medikal at suportang pangkabuhayan para sa mga maliliit na negosyante.

Sa kabila ng mga hamon sa ekonomiya, patuloy ang panawagan para sa konkretong aksiyon para sa manggagawa.

Sa huli, ang tanong—ang mga panukalang ito ba’y mananatili lang sa papel, o ito na nga ba ang simula ng tunay na reporma?

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble