MARIING binatikos ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang umano’y pinaplano ng Amerika na ipadala sa Libya ang mga Asian immigrant, kabilang ang undocumented Filipinos, na nahaharap sa deportation.
“Filipinos are not camels to be dumped on some Libyan desert. They are human beings who deserve to be accorded all the rights by a state who claim to cherish and uphold them,” ayon kay Sen. Francis Escudero, Senate President.
Nagpahayag ng matinding galit si Escudero, iginiit niyang hindi hayop ang mga Pilipino para basta na lamang itapon sa disyerto ng Libya. Aniya, nararapat silang igalang at bigyan ng karampatang proteksiyon.
Ang Libya ay isang bansang nasadlak sa digmaan at kilala sa malulupit na kondisyon sa mga kulungan. Kaya’t nangangamba ang marami na ang mga ipapadala roon ay masasadlak lamang sa matinding kapahamakan.
Ayon sa ulat, milyun-milyong undocumented immigrants ang kasalukuyang ipinade-deport ng U.S. government bilang bahagi ng kampanya ni Pangulong Donald Trump.
Ngunit ang umano’y plano na “i-export” ang mga Asian nationals, kabilang ang mga Pilipino, sa bansang tulad ng Libya ay umani ng matinding batikos mula sa human rights groups at mga opisyal ng gobyerno.
Sa kasalukuyan ay pansamantalang napigilan ng isang federal judge ang deportation ng mga migranteng nakatakdang ipadala sa Libya, alinsunod sa isang kautusan na nagbibigay ng karapatan sa mga ito na kuwestiyonin ang pagpapatapon sa isang bansang hindi nila pinagmulan.
Dahil dito, nanawagan si Escudero sa embahador ng Pilipinas sa Amerika, na si Jose Manuel Romualdez, na kumilos para protektahan ang kapakanan ng mga kababayan nating posibleng maapektuhan. Aniya, kailangan matiyak na may sapat na tulong legal ang mga Pilipino roon.
Sinabi rin ni Escudero na kung sakaling ipa-deport ng Amerika ang mga Pilipino, handa ang gobyerno ng Pilipinas na tanggapin sila nang may dignidad at respeto.
“Dignified repatriation of our brothers and sisters is all we seek, not some rendition to an offshore penitentiary in a country which does not want them,” aniya.