PAMUMUNUAN ni two-time Olympian Elreen Ando ang limang-manlalarong delegasyon ng Pilipinas sa Asian Weightlifting Championships na magaganap sa Jiangshan, China mula Mayo 9 hanggang 15.
Lalaban si Ando sa women’s 64-kilogram division, kung saan target niyang makakuha ng sapat na puntos para mailapit ang kaniyang pangarap na muling makapag-Olympics, sa Los Angeles ngayong 2028.
Kasama ni Ando sa koponan sina Kristel Macrohon sa women’s 71kg, Fernando Agad, Jr. sa men’s 55kg, at ang magkapatid na sina Rose Jean sa women’s 45kg at Rosegie Ramos sa women’s 49kg.
Ayon naman kay Monico Puentevella, pangulo ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP), na hindi makakasama ni Ando ang dating kasamahan sa Paris Olympics na sina Vanessa Sarno at John Ceniza at posibleng hindi pa makakabalik ang dalawa sa pambansang koponan sa matagal na panahon.
Sa kabila ng kanilang pagkawala, determinado ang bagong batch ng mga lifters na itaas ang bandera ng Pilipinas sa Asia at ipagpatuloy ang legasiyang sinimulan ng mga naunang kampeon tulad ni Hidilyn Diaz.