Online voting ng mga Pilipino sa Spain: Mababa ang enrollment, mataas ang turnout

Online voting ng mga Pilipino sa Spain: Mababa ang enrollment, mataas ang turnout

TUNAY na isang makabagong yugto sa kasaysayan ng halalan ang kauna-unahang internet voting para sa mga overseas Filipino. Pero sa kabila ng layuning gawing mas madali ang pagboto, hindi naging madali ang pagtanggap ng prosesong ito ng ating mga kababayan.

Ayon kay Consul General Eric P. Valenzuela, nagsimula ang internet voting noong Abril 13 at nagtapos ngayong Mayo 12. Ngunit bago pa ito, umikot na sila sa iba’t ibang lungsod sa Spain para ihanda ang mga Pilipino sa bagong sistema.

“Nag-start ‘yung online voting sa Spain and other parts of the world noong April 13 hanggang May 12, but before that, umikot na kami sa iba’t ibang cities in Spain para malaman nila na ang pagboto ngayon ay, actually first time in the history of PH elections na online, internet voting na. So, para hindi mabigla ‘yung mga tao, ‘yung mga kababayan natin sa iba’t ibang lupalop ng Spain, a week after namin nag-training sa Athens, umikot na kami sa Tenerife, Las Palmas…so ‘yon” ayon kay Consul General Eric P. Valenzuela.

Bagamat moderno ang paraan ng pagboto, hindi pa rin maiiwasan ang kalituhan at pangamba ng ilan, lalo na’t ito ang unang pagkakataon para sa internet voting.

“Sa totoo lang nanibago sila. In fact, may mga mangilan-ngilan na kulang na lang e sabihin nating nagreklamo, bakit hindi daw sila binigyan ng option, basically, bakit kailangan internet. Pero napapaliwanagan naman sila, and siguro after a week or a month, maganda yung naging reaction nila. In fact, ‘yung mga nakapagenroll at boto, na sinasabi nila na madali lang. But of course, every now and then, sabi ko nga, kanina this is first time no sa kasaysayan sa eleksyon sa Pilipinas na magkakaroon tayo ng internet voting. So, I would say it’s a work in progress, every now and then, may konting challenge but lahat naman naging maayos. And magulat kayo kahapon ang taas ng turnout natin e, malaki. Simula nung April 13, halos dumoble, nag-triple ‘yung kahapon,” wika ni Consul General Eric P. Valenzuela.

Sa kabuuang mga botante sa Spain, 20% lamang ang nakapagpa-enroll para sa internet voting. Ngunit sa mga nakapagpa-enroll, halos 90% naman ang aktwal na nakaboto—isang mataas na turnout, ayon sa konsulado.

“As expected, mas konti ngayon. Sa mga nagenroll, nasa mga 20 percent, mga botante natin sa Spain. But out of that na nagenroll, which is another step before voting itself, mataas ang turnout rin natin. Almost 90 percent tayo as of yesterday,” ani Valenzuela.

Aminado rin ang konsulado na una nilang naisip na mas mainam na naging optional na lamang ang online voting, ngunit nakita rin ang benepisyo nito—lalo na para sa mga seafarers at mga OFW na palaging nasa biyahe.

“Ang dami ngang nagkaproblema na hindi narereceive agad na mapadala ang kanilang balota, at nagkukumahog na makapagpadala ng boto nila sa courier. Ito ay napakagandang paraan para makapag-exercise ng kanilang karapatang bumoto,” aniya.

Sa kabila nito, may ilang poll watchers na nagbahagi rin ng kanilang pag-aalinlangan tungkol sa makabagong sistema ng pagboto.

“Parang mas maganda yung tulad ng dati. Medyo may lumalabas na nag-oovervote, tapos may resibo na iba yung binoto pero iba yung lumabas.”

“Ewan ko, parang nakakaduda ata. Sabagay nung bumoto ako, yun din naman ang lumabas, pero may mga iba na iba ‘yung pangalan na lumabas, hindi yung binoto nila,” saad ni Senior Citizen, Poll Watcher sa Madrid, Spain.

Samantala, may ilang OFW din sa Madrid ang hindi alam na kailangan pala munang magpa-enroll bago makaboto.

“Ok naman po, actually ‘di ko alam na kailangan ko mag-enroll. Kaya nag-email ako kung puwede pa mag-pre enroll, kaya pumunta ako ngayong Monday dito sa embassy,” ayon kay OFW sa Spain, bumoto ngayong Mayo 12.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble