Mahigit P63-B inilaan para sa mid-year bonus ng mga empleyado ng pamahalaan

Mahigit P63-B inilaan para sa mid-year bonus ng mga empleyado ng pamahalaan

INANUNSIYO ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na simula ngayong araw ng Huwebes, Mayo 15, ang mga kwalipikadong kawani ng gobyerno, kabilang na ang mga militar at uniformed personnel, ay makatatanggap na ng kanilang mid-year bonus.

Ayon sa kalihim, katumbas ito ng isang buwang pangunahing sahod ng bawat empleyado.

Umabot sa P63.695B ang kabuuang pondong inilaan para sa 2025 mid-year bonus.

Mula sa naturang halaga, P47.B ang nakalaan para sa mga civilian personnel, habang P16.108B naman ang para sa mga military at uniformed personnel.

Ipinahayag ni Pangandaman na naibigay na ng DBM ang pondo noong Enero 2025 sa mga ahensiyang may tungkuling mamahagi nito.

Dahil dito, nananawagan siya sa mga pinuno ng ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan na agarang ipamahagi ang bonus sa kanilang mga kawani.

Batay sa DBM Budget Circular No. 2017-2, ang mga kawani na kwalipikadong tumanggap ng bonus ay kinakailangang nakapaglingkod ng hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon.

Kailangan ding nananatili silang nasa serbisyo ng gobyerno hanggang sa araw ng distribusyon o Mayo 15 ng taong ito at nakatanggap ng satisfactory na performance rating.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble