PINANGUNAHAN ng mga opisyal mula sa DENR National Capital Region at Environmental Management Bureau-NCR ang aktibidad ng pagbabaklas at pag-aalis ng mga election campaign materials noong Mayo 14 sa Brgy. Vasra, Quezon City.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng isinasagawang cleaning operation na tumutok sa mga recyclable at residual na campaign materials na hindi pa natatanggal matapos ang nakaraang halalan.
Ang pagsasanib pwersa ng DENR-NCR at EMB-NCR, na pinamunuan ni DENR-NCR OIC Regional Executive Director Atty. Michael Drake P. Matias, ay nakakolekta ng higit-kumulang sa 60kg na mga materyal, na malaking porsyento rito ay mga tarpaulin.
Ang nalikom ay hinakot ng mga kinatawan mula sa Brgy. Vasra, na dinala naman sa centralized Materials Recovery Facility o MRF ng Quezon City na matatagpuan sa Brgy. Payatas.
Ito ay naglalayon na mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa mga komunidad, at masiguro na ang mga basura o materyales mula sa mga nakaraang election activities ay hindi magdudulot ng panganib sa kapaligiran.
Ayon kay Matias, ang paglilinis at pagkolekta ng mga campaign materials ay isang hakbang upang masiguro ang kaayusan sa mga pampublikong lugar at ipakita ang pangako ng ahensya na manguna sa pangangalaga ng kapaligiran.
Ang mga campaign material tulad ng posters at tarpaulins ay pinatatanggal mula sa mga pampublikong kalsada, daan, at iba pang mga lugar ng komunidad upang maiwasan ang mga hazard o pagkakaroon ng mga kalat sa mga lugar.
Alinsunod din ito sa mas pinalawig na kautusan ng Commission on Elections (Comelec) na limang (5) araw na palugit para sa lahat ng kandidato upang baklasin ang kanilang mga campaign materials matapos ang 2025 pambansa at lokal na halalan.
Ang aktibidad na ito ay isinasagawa na rin sa buong rehiyon, katuwang ang apat (4) na Metropolitan Environmental Offices (MEOs) ng NCR—North, East, West, at South. Sa mga darating na araw, ang DENR-NCR ay patuloy na magsasagawa ng mga ganitong aktibidad sa buong Metro Manila, upang magpatuloy sa pagpapalaganap ng tamang pangangalaga sa kalikasan at pagsunod sa mga batas ukol sa kalinisan at tamang pamamahala ng mga basura.
Editor’s Note: This article has been sourced from the DENR National Capital Region Facebook Page.