NASA dalawang ballot box na ang natapos sa random manual audit (RMA) o mano-manong bilangan, as of 3:30 ng hapon.
Batay sa monitoring ng Commission on Elections (COMELEC), nasa 189 ballot boxes ang dumating sa kanilang RMA center mula sa mahigit 700 inaasahang ballot boxes.
Sa bilang na ito, 59 ballot boxes pa lamang ang kasalukuyang pinoproseso ng mga audit team.
Napili ang mga ito sa pamamagitan ng raffle na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Kabilang sa mga dumating ay mula sa mga lungsod sa Metro Manila at ilang lugar sa Luzon.
Ang mano-manong bilangan ng piling balota ay isinasagawa upang masigurong tama ang bilang ng automated counting machines (ACM).
“Mahalaga ang random manual audit para mapatunayan natin na ‘yung votes na kinount ng automated counting machines ay accurate na we can rely upon the results of the votes counted by the automated counting machines. Para mabigyan natin ng assurance ng mga tao na based on the samples we have selected tama naman ng pagkakabilang ng automated counting machines,” pahayag ni Tomasa “Tammy” Lipana, Trustee-In-Charge, Random Manual Audit.
Patuloy ang isinasagawang audit ng mga balota rito sa Random Manual Audit Center ng COMELEC. Pero ang tanong: gaano ba ka-reliable ang audit na ito? Matutugunan ba nito ang kahilingan ng mga nananawagan ng mano-manong bilangan sa lahat ng mga balota?
“Ating teams nag-training tayo two and half days, tatlong batches, by batch two and half days training. And karamihan sa kanila nainvolve na in the past election, member of the electoral boards,” ani Lipana.
Bukod sa audit team, may mga verifiers at supervisors din mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), Philippine Institute of Certified Accountants (PICPA), at iba pang organisasyon.
Anti-election fraud advocate, nanawagan ng independent audit sa halip na COMELEC self-audit
Para naman sa isang anti-election fraud advocate, hindi magiging sapat ang random manual audit ng COMELEC dahil ito ay self-audit.
Ang dapat umano na isagawa ay isang independent audit.
“Mayroon bang financial statement na tatanggapin ng bangko kung kayo ay mangungutang sa bangko, ibibigay mo ‘yung financial statement as a requirement. Tatanggapin ba ng bangko na ikaw ikaw na lang nag-audit? Self-audit. Hindi. Kailangan ang financial statements mo ay audited ng independent auditor. Iyan ang iginigiit namin sa COMELEC. Hindi pwede ang resulta kayo-kayo ang mag-self audit. Dapat iaudit namin iyan idependently para mapagkatiwalaan yung resulta. Ayaw ng COMELEC dahil may magic,” wika ni Atty. Glenn Chong, Anti-Election Fraud Advocate.
“Hindi naman po pupwede na ang COMELEC ang mamaniubra ng mismong random manual audit. Hindi lang naman kami ang miyembronng committee po na ito.”
“Nandiyan po ang ating Philippine Statistics Authority, ang PICPA mismo, ang NAMFREL, ang PPCRV, ang LENTE. Nandiyan po sila lahat,” ayon kay Chairman George Garcia, COMELEC.
Matapos ang May 12 elections, lumakas ang panawagan ng mga botante para sa pagbabalik ng manual voting.
Kasunod ito ng sunod-sunod na aberya sa mga automated counting machines na nagdulot ng pangamba sa integridad ng halalan.
Dagsa ang reklamo mula sa iba’t ibang presinto: mga makinang nag-malfunction, vote receipts na hindi tumutugma sa aktwal na binoto, at mga boto na tila nawala sa sistema.