HINIKAYAT ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang mga mamimili na subukan ang mga alternatibo sa karne ng baboy.
Halimbawa na rito ang manok, isda, at baka dahil hinahanapan pa nila ng paraan upang maging stable ang suplay at presyo ng baboy.
Sa paliwanag ng DA, ang kakulangan sa suplay ng baboy sa kasalukuyan ay dahil sa African Swine Fever (ASF) at tumataas na demand ng mamimili para sa baboy.
Mas nagpapahirap ito ayon sa ahensiya para mapanatili ang abot-kaya sanang presyo ng karneng baboy.
Nauna nang inanunsiyo ng DA ang pagtanggal sa Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa karneng baboy dahil na rin napansin ng ahensiya na hindi ito epektibong naipatutupad.