Mas mataas na buwis o total ban sa vape ipinanawagan

Mas mataas na buwis o total ban sa vape ipinanawagan

ISANG grupo ng mga doktor ang nanawagan sa pamahalaan na agad na ipataw ang mas mataas na buwis sa mga produktong vape at e-cigarette o tuluyan na itong ipagbawal.

Mas matinding banta sa kabataan, mas matinding aksiyon ang kailangan.

Ayon sa grupo ng mga doktor, ang patuloy na pagtaas ng paggamit ng mga vape at e-cigarette, lalo na sa kabataan ay dapat nang aksiyunan.

“Ang vape law na ipinasa noong 2022 ay hindi po nag-regulate. Sa halip, pinaluwag pa nito ang pagbebenta at paggamit ng vape. Kaya’t mas dumarami ang kabataang nalululong dito,” pahayag ni Maria Encarnita Limpin, MD, Family Physician Comprehensive Care Program (FPCP).

Sa datos mula sa Global Youth Tobacco Survey, 14.1% ng mga kabataang may edad 13–15 ay gumagamit na ng vape. Mas mataas ito kaysa sa mga matatanda na nasa 2.1% lamang.

Ayon kay Dr. Limpin, 44% ng mga gumagamit ng vape ay hindi pa kailanman nanigarilyo—patunay na ang vape ay hindi alternatibo sa sigarilyo, kundi panimula sa pagkakaroon ng bisyo.

Ang mas nakababahala, kabataan aniya ang target ng mga kompanyang nagbebenta ng vape. Mula sa iba’t ibang flavors gaya ng bacon, waffles, at durian—hanggang sa mga disenyong cute na parang laruan, mukhang flash drive o gadget—malinaw umano kung sino ang pinupuntirya.

“Kapag bumili ka ng pod, may libreng lanyard pa. ‘Yung mga teacher, aakalain USB lang. Hindi nila alam, vape na pala,” aniya pa.

Tinatayang may mahigit sa 15K flavors ng vape sa buong mundo, at mahigit 7K sa Pilipinas pa lang.

Dagdag pa ng grupo, hindi ligtas ang vape. May mga kemikal itong maaaring makasira sa DNA ng tao at magdulot ng kanser. At kahit ang mga tinatawag na “nicotine-free”—base sa mga pag-aaral sa ibang bansa—may taglay pa rin umanong nicotine.

Ang panawagan ng grupo: ipatupad ang mas mataas na buwis sa vape—kapantay ng sa sigarilyo. At kung hindi anila ito posible…

“Kung hindi po ito maisasakatuparan, we recommend the banning of these products altogether,” giit nito.

Isang malinaw na babala mula sa mga dalubhasa: habang patuloy ang pagkalat ng vape sa kabataan, kasabay rin nitong lumalalim ang banta sa kanilang kalusugan at kinabukasan.

Para sa mga doktor, ngayon na ang tamang panahon para kumilos kontra sa vape.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble