Bagong alkalde at gobernador ng Cebu bukas sa pagtutulungan para sa kaunlaran

Bagong alkalde at gobernador ng Cebu bukas sa pagtutulungan para sa kaunlaran

SA kauna-unahang pagkakataon matapos ang matagal na hidwaan ng mga naunang opisyal, nagpakita ng pagiging bukas sa pagkakaisa sina Mayor-elect Nestor Archival ng Cebu City at Governor-elect Pamela Baricuatro ng Cebu Province.

Sa ginanap na OpenLine Forum nito lang Mayo 20, tiniyak ng dalawang bagong halal na lider ang hangaring ayusin ang mga hindi napagkasunduang isyu—kabilang na ang kontrobersyal na 93-1 lots na matagal nang pinag-aagawan ng lungsod at lalawigan.

Matatandaan na noong 2016 ay nagkasundo ang dating gobernador at alkalde na ipasa sa lungsod ang mga lupaing matagal nang tinitirhan ng mga residente. Ngunit binawi ito ng kasalukuyang administrasyon noong 2019 matapos itong makitaan ng Commission on Audit (COA) ng umano’y discrepancies sa transakyon, dahilan ng matinding tensiyon sa pagitan ng dalawang pamahalaan.

Nagpatupad si Gov. Garcia ng bagong sistema kung saan kailangang bilhin ng mga residente ang lupa sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund.

Ngayon, sa pamunuan nila Baricuatro at Archival, malinaw na bukas ang dalawa sa pagresolba ng anumang isyu na matagal nang ‘di napagkasunduan.

“Ang titulo ng 93-1 ay nasa atin na. Malinaw ito. Ngunit may isang tao mula sa city government na kumuha ng ating titulo at ibinigay ito pabalik sa provincial government. Kaya naman sinasabi ng provincial government—nasa amin na ang titulo—amin ito. Ngunit hindi nila naiintindihan na tapos na ang kasunduan,” pahayag ni Nestor Archival, Mayor-Elect, Cebu City.

Umaasa si Archival, na magkakaroon ng kaayusan at pagkakaisa sa pamunuan ng siyudad at probinsiya.

“Ngayon, kung magkakaroon ng pagkakasundo sa pagitan ng pamahalaang lungsod at ng pamahalaang panlalawigan sa kung paano ito hahawakan, tiyak na maisusulong na ito dahil napakalinaw na ang 93-1 ay pagmamay-ari ng lungsod,” dagdag ni Archival.

Samantala, tiniyak naman ni Governor-elect Baricuatro na igagalang niya ang mga naunang kasunduan ng kaniyang mga sinundan sa puwesto.

“Igagalang ko ang mga naunang kasunduan ng dating gobernador bago ako, dahil iyon ay isang mahalagang aspeto ng pamumuno—dapat igalang ang iyong mga naunang pinuno.”

“Don’t worry Mayor, I will collaborate with you, and my lawyers, team of lawyers are looking into that,” saad ni Pamela Baricuatro, Governor-Elect, Cebu.

Marami pang isyu ang hindi napagkasunduan nina Garcia at Rama, tulad na lamang ng Metropolitan Cebu Water District dahil umano sa panghihimasok ng gobernadora sa mga usaping may kinalaman sa lungsod.

Bukod dito, nagkaroon din ang dalawa ng kontrobersiya sa Cebu Bus Rapid Transit project, kung saan nag-file si Rama ng reklamo laban kay Garcia dahil sa pagpapatigil nito ng proyekto na nasa harap ng kapitolyo.

Tunay ngang walang magandang dulot ang pagkakabaha-bahagi; ang pag-unlad ng isang lugar ay nasa pagkakaisa; anuman ang kulay mo sa politika, mahalaga pa rin ang isang pag-iisip at isang layunin. At iyan ay ang gawing mas magaan at mas maunlad ang estado ng pamumuhay ng bawat isa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble