HINDI maikakaila na isa ang coconut industry sa may ambag ng ekonomiya ng bansa, bunsod ng matatag na export ng mga produktong niyog sa pandaigdigang merkado.
Ang Pilipinas ang isa sa mga nangungunang bansa sa buong mundo pagdating sa export ng niyog.
‘Yun nga lang—apektado ang produksiyon ng niyog ngayon dahil sa pananalasa ng insekto at peste na tinatawag na ‘coconut scale insect’ o cocolisap at coconut spike moth.
Sa pinakahuling datos ng Philippine Coconut Authority (PCA) higit kalahating milyong puno ng niyog ang lubhang naapektuhan ng cocolisap sa siyam na rehiyon.
Habang apektado ng coconut spike moth ang 20,000 niyog sa ilang lugar sa CALABARZON.
“We are alarmed kasi sabi ko nga itong spike moth is a consequential pest in the past. But, all of the sudden bigla na lang siyang nag-surge.”
“Kung mayroon mang nakikita kaming infested heavily in cluster nakikita namin ‘yan sa Zamboanga dahil talagang matataas na ‘yung mga puno. Maybe the necessarily intervention there, is to cut the whole trees,” saad ni Roel Rosales, Deputy Administrator for Operation Branch, PCA.
Sabi ng PCA, mararamdaman sa suplay ng niyog ang epekto ng pananalasa ng mga insekto at peste sa industriya.
Kung saan, milyun-milyong piso ang nawala sa ekonomiya ng Pilipinas na sana’y napakinabangan.
“This will results into about 60% loss in yield at a maximum infestation. We are looking at a loss about 14 million nuts and that would be equivalent about P200 million,” aniya.
Nakaapekto rin aniya ito sa presyo ng copra, kung saan imbes na ibinebenta sa P90 kada kilo, bumaba ito sa P80.
Hindi inaalis ng PCA ang posibilidad na ang mabilis na pagkalat ng mga insekto at peste sa mga puno ng niyog ay dahil sa mga kontaminadong planting materials na bina-biyahe.
Para mapigilan ito, isang hakbang ang ginawa ng PCA sa pamamagitan ng paglalagay ng mga checkpoint.
“We are very concern sa transport. They have to abide a protocol kung papaano nila ipapadala doon sa mga area ng CSI at pupunta naman sa areas na walang CSI.”
“Huwag na tayong magtanim na galing kay Zamboanga at ibibigay mo kay Region 1 at Region 2 baka maapektuhan pa,” giit ni Dexter Buted, Administrator & CEO, PCA.
Sa kabila nito, pinaigting na rin ng PCA ang pag-spray ng mga pesticide sa mga apektadong rehiyon.
“Nakita po natin ang urgency, nag-set aside tayo ng P94 milyon. P60 million will focus on the eradication and mitigation of CSI and P34 milyon on the free expense for the eradication and mitigation of some other pest and diseases,” wika ni Atty. Lucius Jun-Jun Malsi, Deputy Administrator for Administrative & Finance Branch, PCA.