VP Sara ipinauubaya sa Senado kung ano ang gagawin sa articles of impeachment laban sa kaniya

VP Sara ipinauubaya sa Senado kung ano ang gagawin sa articles of impeachment laban sa kaniya

IPINAUUBAYA na ni Vice President Sara Duterte sa Senado kung ano ang dapat gawin hinggil sa impeachment complaint laban sa kaniya.

Iyan ang naging pahayag ni VP Sara sa isang exclusive interview ng SMNI sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Matatandaang 18 senador ang bumoto pabor sa remand o pagbabalik ng articles of impeachment sa Kamara, habang lima ang tumutol.

“Iwan na natin sa Senate ang desisyon kung ano ang gagawin sa articles of impeachment dahil sila ‘yung inatasan ng Saligang Batas natin na maging impeachment court. At sila lang ‘yung may discretion kung ano ang dapat gawin,” ayon kay Vice President Sara Duterte.

Defense team ni VP Sara, nag-uusap na kung paano tutugon sa writ of summons ng Senado

Sa ngayon, pinag-uusapan na ng mga legal counsel ni VP Sara kung paano tutugon sa Writ of Summons mula sa Senado.

Kalakip ng summons na natanggap ng Office of the Vice President ang kopya ng impeachment complaint laban kay VP Sara.

Ayon sa impeachment rules, may 10 araw ang Bise Presidente para magsumite ng kaniyang sagot.

“Pag-usapan namin iyan ng ating defense counsels. At pinag-uusapan na nila ngayon kung papaano nila gagawin ‘yung pag-comply doon sa summons ng Senate,” ani VP Sara.

Nirerespeto naman ni VP Sara ang opinyon ng mga politiko, grupo, at indibidwal na nananawagan na siya ay agad ma-impeach sa puwesto.

“Lahat tayo may freedom of speech, at lahat ng opinyon—nirerespeto ko. Makikita natin iyan na noong Mayor ako lahat ng kumukontra ay welcome pa rin sa Davao City at pinabayaan pa rin namin na makapagsalita. Hindi ako ‘yung tipo ng tao na pipigilan ko ang ibang tao sa pagsasabi kung ano ‘yung nasa isip at nasa puso nila. Respetuhin natin kung ano ‘yung opinyon nila,” aniya.

Senadora Imee, duda sa tunay na pakay ng impeachment vs. VP Sara

Samantala, duda si Sen. Imee Marcos sa tunay na pakay ng impeachment laban kay VP Sara Duterte.

Ayon sa senadora, kung tunay na accountability ang habol, hindi ito mararating sa pamamagitan lamang ng impeachment.

“Kasi ang parusa ng impeachment ay removal from office at tsaka ‘yung tinatawag na disqualification, permanent disqualification. Parang nagdududa ako na kung talagang accountability, sangkatutak ang kaso ni Inday Sara sa COA, sa DOJ, sa Korte Suprema. At doon ang tunay na accountability kung saan may multa, may kulong, may kung ano-anong hatol. Samantala kung ipipilit ang impeachment, minsan mapapaisip ako kung sino kaya ang makikinabang dito. Baka naman ‘yung may ambisyon sa 2028 dahil diskwalipikasyon at pagtanggal kay VP Sara ang habol,” pahayag ni Sen. Imee Marcos.

Naniniwala si Sen. Imee na ang mga indibidwal na nais ma-impeach si VP Sara ay may pansariling interes para sa 2028 elections.

“Sigurado ako doon. Kinakailangan magpakatotoo na tayo kung ambisyoso kayo sa 2028, naku talaga naman. SKL, share ko lang hindi mangyayari iyan,” saad ni Sen. Imee.

Sen. Padilla, iginiit na para sa bayan ang pagbabalik ng articles of impeachment vs VP Sara sa Kamara

May komento naman si Sen. Robinhood Padilla hinggil sa isa pa ring nagsabing “Hudas” ang 18 senador na bumoto para ibalik sa Kamara ang articles of impeachment.

“Kaniya-kaniyang opinyon iyan. Nirerespeto natin ang opinyon lalong-lalo na galing sa pari, rerespetuhin natin. And ganoon din sana, kung ano din naman ‘yung sinasabi ng ibang naratibo ay respetuhin din sana nila. Kasi alam mo demokrasya tayo eh. Hindi pwede ‘yung nagsasalita lang ay sila ‘yung tama. Dapat pakinggan natin ‘yung dalawang naratibo,” wika ni Sen. Robin Padilla.

Binigyang-diin ni Padilla na ang naging pasya ng 18 senador ay hindi dahil sa personal na damdamin kundi para sa bayan.

“Isa lang po ang nasisigurado namin sa inyo ‘yung labingwalo na Senador, judge po iyan. Sila po ay hukom. Kami po ay hukom ng korte ng oras na iyan. Kami po ay nagdesisyon hindi dahil mahal namin si Inday o galit kami sa ibang tao. Kami po ay nagdesisyon dahil ‘yun po ay para sa bayan. Hindi po iyan para kanino,” dagdag ni Padilla.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble