Pangulong Duterte, ilalaan ang panahon sa pamilya pagkatapos ng kanyang termino

BINIGYANG diin ng Malacañang na ilalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang panahon sa pamilya pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo ng susunod na taon.

Ayon kay acting Presidential Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles, kung magiging isang retired government worker na ang pangulo ay babalik na ito sa kaniyang pribadong buhay.

“For more than four decades of public service – mula sa pagiging prosecutor all the way up to being mayor, vice mayor, a member of Congress, back to vice mayor then mayor, then now, as president of the Republic of the Philippines – now he wants to spend time, more time with his family,” ani Nograles.

Dagdag ng palace official, ngayong hindi na kandidato si Duterte sa anumang posisyon sa darating na eleksyon ay makakatutok na ito sa COVID-19 response ng bansa

Mapagtutuunan na rin ng pangulo ang ligtas na pagbubukas muli ng ekonomiya.

“He can focus more on continuing, if not, even stepping up more of the public service, lahat ng mga pagbabago, lahat ng mga magagandang mga programa na nasimulan niya ay kaya niya nang mas lalo pa niyang masigurado na these are all put in place and implemented towards the end of his terms as President,” saad ni Nograles.

“Makaka-pokus na rin ang chief executive sa pagtitiyak na magkakaroon ng transparent, mapayapa at patas na halalan sa May 2022,” dagdag niya.

Itinaggi naman ng Palasyo ang pananaw ng iilan na ang urong-sulong na pagtakbo ng pangulo sa senado ay isang pamamaraan niya lamang para lituhin ang taumbayan at iba pang kandidato.

Nitong Martes, personal na nagtungo sa Commission of Elections (Comelec) si Duterte upang maghain ng kanyang formal withdrawal sa senatorial race.

Iginiit ni nograles na lahat ng mga tagasuporta, political parties, at kahit mga pulitiko mula sa iba pang partido, ay talang kinumbinsi si Duterte na tumakbo sa 2022 elections upang maipagpapatuloy ang kanyang serbisyo sa publiko.

“So maraming mga suggestions, mga recommendations, maraming tumutulak talaga sa kaniya na na huwag munang mag-retire, na tumakbo siya at magpatuloy sa kaniyang public service despite the fact na, again as I said, more than 4 decades na po siyang naninilbihan sa publiko,” ani Nograles.

Tiniyak rin nito na patuloy na susuportahan ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang anumang desisyon ni Duterte.

Tiwala rin ang palace official na patuloy ring magiging ‘dominant political party’ ang PDP-Laban sa 2022 national at local elections.

Saad din ng Palasyo na susuportahan din ni presidential daughter Davao City Mayor Sara Duterte ang magiging pasya ng kanyang ama.

SMNI NEWS