290 patay sa pagbagsak ng eroplano ng Air India, 1 pasahero nakaligtas

290 patay sa pagbagsak ng eroplano ng Air India, 1 pasahero nakaligtas

ISANG malagim na eksena ang biglang bumungad sa mga residente ng Ahmedabad, Gujarat sa India.

Kakatapos pa lamang mag-take off mula sa runway ang Air India Flight AI-171, isang Boeing 787-8 Dreamliner, na byaheng patungong London.

Ngunit ilang sandali pa lamang sa himpapawid.

Unti-unting bumagsak hanggang sa tuluyan nang sumabog ang eroplano.

Ayon sa ulat, ang pinagbagsakan ng eroplano ay gusali ng isang medical college.

Binalot ng sunog at makapal na usok ang crash site at kitang kita na nagkahiwa-hiwalay na mga parte ng eroplano,at labi ng mga biktima.

Nasira rin ang ilang mga kalapit na gusali.

Umabot sa 290 ang patay, kabilang na rito ang mga residente na nadamay sa pagsabog.

May sakay na 242 katao ang eroplano, 230 dito ay pasahero, at 12 naman ang crew members, kabilang na ang dalawang piloto.

Ngunit sa kasamaang palad, 241 sa mga sakay ang nasawi.

Isa lamang ang nakaligtas na kinilalang si si Vishwashkumar Ramesh, isang 40-anyos na British national.

Ayon sa Air India, may 8,200 flight hours na karanasan ang piloto, habang 1,100 hours naman ang co-pilot.

Agad rumesponde ang mga tauhan ng National Disaster Response Force ng India, kasama ang mga lokal na bumbero at pulis, para sa search and rescue operations.

Samantala, binisita ni Indian Prime Minister Narendra Modi ang crash site, at ang lone survivor na kasalukuyang nagpapagaling sa hospital. Nagpaabot din si Modi ng pakikiramay sa pamilya ng mga nasawing biktima.

Pansamantalang sinuspinde ang lahat ng flights sa Ahmedabad Airport, at itinaas na sa full alert ang mga emergency centers.

Agad namang nagbukas ang Air India emergency hotline at contact center, at nangakong makikipag-ugnayan sa lahat ng ahensiyang nagsasagawa ng imbestigasyon.

Narekober na rin ang black box ng eroplano, at kasalukuyang isinasailalim sa technical analysis.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble