Empleyado ng Kamara pinagbabaril sa mismong kaarawan ng anak

Empleyado ng Kamara pinagbabaril sa mismong kaarawan ng anak

Nauwi sa pighati ang masaya sanang okasyon ng pamilya ng tambangan ng riding-in-tandem ang direktor ng House Ways and Means Committee na si Mauricio “Morrie” Pulhin habang ipinagdiriwang nila ang kaarawan ng kaniyang anak na babae—kasabay ng selebrasyon ng Father’s Day, nitong nakaraang Linggo, Hunyo 15, 2025 sa Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Batasan Police Station 6, naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklara ding dead on arrival.

Batay sa imbestigasyon, dakong 2:30 ng hapon noong Linggo habang abala ang lahat sa okasyon ng kaniyang anak, nang pumasok ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo at malapitang pinagbabaril si Pulhin bago agad tumakas.

Pinaniniwalaang planado ang pagpatay kay Pulhin, at posibleng may kinalaman sa negosyo ang dahilan ng pamamaslang.

Batay sa paunang imbestigasyon, may kinalaman sa medical supply ang pinagkakaabalahang negosyo ng pamilya ng biktima.

Sa pinakahuling panayam sa pamunuan ng PNP, mayroon na anila silang persons of interest sa krimen, bagamat ayaw pa nilang isapubliko ang mga nakalap nilang impormasyon hinggil sa insidente.

Sa ngayon, patuloy ang pangangalap ng dagdag na detalye ng kapulisan sa ilalim ng binuong Special Investigation Team (SIT) na tututok sa pagtukoy at pagdakip sa mga suspek.

Sa kabilang banda, bigo pang makapagbigay ng datos ang PNP kaugnay ng mga naitatalang krimen sa bansa.

Giit ng PNP, hindi sila pabor sa pagpapalabas ng mga datos ng mga naitatalang krimen dahil nagdudulot lamang ito ng katanungan ng publiko.

Anila, ang mahalaga ay maramdaman ng publiko na sila ay ligtas sa kanilang komunidad.

Follow SMNI NEWS on Twitter