SA bisa ng anim na warrant of arrest, matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang miyembro ng CTG sa isinagawang operasyon sa Brgy. Bunyasan, Malimono, Surigao del Norte noong Hunyo 16, 2025.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Jane,” na umano’y nagsilbing platoon medic ng grupo. Nahaharap siya sa patong-patong na kaso.
Ayon sa CIDG, may anim na warrant of arrest ang suspek para sa mga kasong attempted murder, paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020, crimes against international humanitarian law, murder, at arson.
Ang mga warrant ay inisyu ng Regional Trial Court, Branch 29 at 30, 10th Judicial Region, Surigao City noong Agosto 17, 2022 at Setyembre 29, 2022.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng suspek ang pag-atake sa mga sundalo ng Philippine Army noong Marso 26, 2022 sa Brgy. Binocaran, Malimono, gayundin ang mga insidente ng pagsusunog at pagpatay sa Alegria, Surigao del Norte.
Ayon sa CIDG, malaking hakbang ang pagkakaaresto ng suspek para sa paghahatid ng hustisya sa mga biktima ng karahasang kinasangkutan ng grupo.
“Ipinagmamalaki ko ang CIDG Surigao del Norte Provincial Field Unit sa kanilang matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakahuli ng miyembro ng CTG,” wika ni PBGen. Rolindo M. Suguilon, OIC, CIDG.
Bukod sa mga operasyon, patuloy ang panawagan ng pamahalaan sa mga kasapi ng armadong kilusan na magbalik-loob sa pamahalaan, kapalit ng bagong oportunidad at pag-asa ng isang mapayapang buhay.