NAKIISA ang mga empleyado ng Department of Science and Technology–Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS), kasama ang lahat ng seismic stations at volcano observatories sa buong bansa, sa isinagawang 2025 Second Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill ngayong Hunyo 19, 2025.
Bilang pangunahing ahensyang responsable sa pagbabantay at pananaliksik kaugnay ng lindol at iba pang geological hazards, patuloy na isinusulong ng DOST-PHIVOLCS ang pagpapalaganap ng kaalaman at pagpapalakas ng kahandaan ng publiko.
Nangunguna rin ang ahensya sa regular na pagsasagawa ng earthquake drills sa iba’t ibang panig ng bansa upang maitaas ang antas ng kamalayan at kahandaan ng bawat isa.
Samantala, nakiisa rin ang mga kawani ng MRT-3 sa naturang earthquake drill. Eksaktong alas-9:00 ng umaga, sabay-sabay silang nagsagawa ng “duck, cover, and hold” sa hudyat ng emergency alarm.
Ang ganitong uri ng aktibidad ay bahagi ng inisyatibo ng MRT-3 upang higit pang palakasin ang kahandaan ng kanilang mga empleyado laban sa mga hindi inaasahang sakuna gaya ng lindol.