IBINAHAGI ni Davao City Vice Mayor-elect Sebastian “Baste” Duterte ang kalagayan ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
Ito ay matapos magsumite ang panig ng dating pangulo ng pormal na hiling para sa interim release.
“Sa tingin ko, okay siya kasi maayos naman siyang nakapagsalita. Ang kaibahan lang, medyo nangayayat talaga siya,” saad ni Sebastian “Baste” Duterte, Vice Mayor-Elect, Davao City.
Nagpahayag din si Vice Mayor-elect Duterte ng pasasalamat sa bansa na posibleng tatanggap sa kaniyang ama, sakaling matuloy ang hiling para sa interim release.
“Kung anong bansa man iyon. Thank you in advance for accepting my father, if ever that will happen. But still kung hindi man, dahil pumayag ka na, hindi ko ito malilimutan,” aniya.
ICC, ginagamit bilang isang political tool—Baste
Gayunpaman, lubos na pinagdududahan ni Duterte ang integridad ng ICC hinggil sa umano’y “extraordinary rendition” na isinagawa nito sa kaniyang ama dahil sapilitan itong dinala sa The Hague, Netherlands. Iginiit niya na dapat ibinalik ng ICC ang kaniyang ama sa Pilipinas at hinayaan na lamang gumulong ang legal na proseso.
“Kaya, may hinala ako na ang ICC ay ginagamit nilang political tool. Kasi, alam mo, sa madaling salita, sa totoo lang, kidnapping ang nangyari doon sa Villamor Airbase,” giit nito.
Samantala, may mensahe naman ang nakababatang Duterte sa mga bansang nagbabanta sa pagtanggap sa kaniyang Ama sakaling mabigyan ito ng interim release.
“Sino ba iyan sila? Sino nga iyan sila? Ah, dito iyan sa Pilipinas? Bakit pala, may nuclear warhead ba sila? Kung wala, tumahimik sila,” aniya pa.