DepEd nababahala: Kabataang Pilipino nalululong sa vape at sigarilyo

DepEd nababahala: Kabataang Pilipino nalululong sa vape at sigarilyo

SA kabila ng matagal nang kampanya laban sa paninigarilyo, patuloy ang pagdami ng mga Pilipinong nalululong sa bisyong ito. Ngayon, mas pinasama pa ang datos sa pag-usbong ng vape na mas agresibong ibinebenta at isinusulong sa merkado.

Ang mas masaklap, ang mga kabataan ang pangunahing tinatarget ng mapanlinlang na imaheng ibinibigay ng mga produktong ito.

Ayon sa 2023 National Nutrition Survey, nasa 4.8% ng mga Pilipino edad 10–19 na ang naninigarilyo.

Mas mataas ang bilang ng mga lalaking kabataan na naninigarilyo kumpara sa mga babae.

Base naman sa 2019 Global Youth Tobacco Survey, isa sa bawat pitong estudyante na edad 13–15 ang gumagamit na ng e-cigarettes o vape.

Isa ito sa mga tinalakay sa isang press conference kaugnay ng No Smoking Month ngayong Hunyo.

Para sa Department of Education (DepEd), ang mga numerong ito ay malinaw na senyales ng isang lumalalang krisis sa kalusugan ng kabataan.

Nakakaalarma, ayon kay Dr. Miguel Angelo Mantaring ng Bureau of Learner Support Services, ang mabilis na pagtaas ng paggamit ng vape sa mga kabataan.

“More and more young people are hooked more o nicotine not through traditional cigarettes alone but increasingly through flavored vapes and sleek deceptive packaging that makes these harmful products look like candy or tech gadgets,” wika ni Dr. Miguel Angelo Mantaring, Director IV, DepEd – Bureau of Learner Support Services.

Binatikos din ng ilang advocacy group ang mga mapanlinlang na marketing strategy ng mga kompanya ng sigarilyo at vape na hayagang tumatarget sa mga kabataan sa pamamagitan ng makukulay at “cool” na imahe ng kanilang produkto.

“In terms of promoting that it is hip, that it is cool, that it helps your health, that it is less harmful or 90% less harmful that is safe. All those tactics in terms of promoting vape and even tobacco products or new tobacco products are the same. And these tactics were found to be deceptive, were found to be frauds, were found to be, were found to be misinterpretation,” ayon kay Atty. Benedict Nisperos, Legal Consultant, Health Justice Philippines.

‘Smoke at vape-free schools,’ itinutulak ng DepEd

Dahil sa seryosong banta ng paninigarilyo at paggamit ng vape sa mga estudyante, itinuturing ng DepEd na top priority ngayong school year ang pagpapatupad ng smoke at vape-free schools sa buong bansa.

Isa sa mga hakbang ng ahensiya ay ang pag-integrate ng vape at tobacco education sa K-12 curriculum upang mas maagang mabigyan ng tamang impormasyon ang mga kabataan tungkol sa panganib ng bisyo.

Ilulunsad rin ngayong taon ang programang “Barkada Kontra Bisyo,” na layong kontrahin ang epekto ng peer pressure na isa sa pinakamalakas na dahilan kung bakit nalululong sa bisyo ang mga kabataan.

“Studies were showed that to influence someone na co-peer mo ang top influencer mo is someone within your circle, someone with the same background, someone with the same experience. So, part po iyan ng kapangyarihan ng ating mga kabataan that you can change lives, you can save lives by influencing your peers to stop smoking, stop using vapes and not even get into it,” saad ni Dr. Miguel Angelo Mantaring, Director IV, DepEd – Bureau of Learner Support Services.

Palalakasin din ng DepEd ang kanilang monitoring system sa pamamagitan ng Child Protection Committee para mabilis na matukoy at maaksiyunan ang anumang insidente ng paninigarilyo at paggamit ng vape sa loob at paligid ng mga paaralan.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DepEd sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Health, Department of Trade and Industry, at Department of the Interior and Local Government upang tiyakin na walang nagbebenta ng vape sa loob ng 100 metrong radius mula sa mga paaralan, batay sa nakasaad sa Vape Law.

Makikipagtulungan naman ang DepEd sa School Parent-Teachers Association para maipagpatuloy ang edukasyon sa bahay, at mapalakas ang suporta ng mga magulang tungo sa mas malusog at responsableng pamumuhay ng kabataan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble