UNANG sumiklab ang sunog sa Barangay 439 sa Sampaloc, Maynila, nito lang Miyerkules ng madaling araw. Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagsimula ang apoy bandang alas-dose y media ng hatinggabi at mabilis ito na kumalat.
Idineklara itong under control at tuluyang naapula bago mag-alas-sais ng umaga at walang naiulat na nasugatan o nasawi sa sunog, ngunit umabot sa 70 kabahayan ang natupok, dahilan para maapektuhan ang nasa 200 pamilyang naninirahan sa lugar.
Agad na nagtungo si Manila Mayor Francisco “Isko” Domagoso sa lugar kung saan bawat pamilya ay nakatanggap ng labinlimang libong piso (P15,000) at bagong beddings sa kagandahang-loob ng isang pribadong kumpanya at tinatayang umabot sa halos dalawa punto walong milyong piso ang naipamahagi sa mga pamilyang nasunugan.
Samantala, isang panibagong sunog na naman ang sumiklab sa Brgy. 420, sa kanto ng Legarda at Lacson sa parehong distrito ng Sampaloc, bandang alas-kuwatro ng madaling araw ngayong Huwebes, Hulyo a-tres.
Idineklara itong fire out bandang sampung minuto bago mag-alas-singko ng umaga ngunit umabot sa 80 bahay ang nasunog kabilang ang ilang commercial establishments, habang tinatayang nasa 100 pamilya naman ang naapektuhan sa naganap na sunog.
Muling pinuntahan ni Mayor Isko ang apektadong lugar para magpaabot ng tulong at tiniyaking may agarang suporta mula sa pamahalaang lungsod.
Sa ngayon, patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng magkasunod na sunog.
Dahil sa insidente, malakas ang panawagan ng mga residente sa karagdagang tulong habang pansamantala silang nanunuluyan sa mga evacuation center.