AABOT sa 41.92 megawatts ng malinis, maaasahan, at sustainable na enerhiya ang kasalukuyang ipinapasok ng planta sa Luzon grid—isang hakbang tungo sa pagkakaroon ng 35% renewable energy share sa power generation mix pagsapit ng 2030.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Assistant Secretary Mylene Capongcol, ang proyektong ito ay hindi lamang nagpapailaw sa Luzon grid, kundi nagbibigay rin ng kabuhayan at pag-unlad sa mga lokal na komunidad ng Samal, Bataan.
“Ang proyektong ito ay patunay na ang renewable energy ay may kakayahang magdala ng tunay na pagbabago — hindi lamang sa enerhiya kundi pati sa buhay ng bawat Pilipino,” ayon kay Asec. Mylene Capongcol, Department of Energy.
Sa Barangay Gugo at San Juan, at sa buong bayan ng Samal, inaasahan ang pag-angat ng kabuhayan, paglikha ng trabaho, at pagtaas ng kalidad ng buhay kung saan mahigit isang libong (1,000) manggagawa ang nagkaroon ng trabaho sa construction phase, at inaasahang madaragdagan pa ito sa pagsisimula ng operasyon at para na rin sa maintenance ng planta.
May mga training program din na ipinatutupad para mahasa ang mga talento katuwang ang lokal na pamahalaan at mga paaralan.
Sa kasalukuyan, mayroong halos isang libo’t apat na raang aktibong renewable energy contracts sa bansa, at mahigit limang daan dito ay solar projects na may kabuuang 2.56 gigawatts na kontribusyon sa ating enerhiya.
Muli namang nanawagan ang DOE ng mas matibay na pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sektor para mas mapabilis pa ang pag-unlad ng renewable energy sa bansa.