MAMAMAHAGI ng HK10,000 dollars na ayuda ang Hong Kong sa mga mamamayan nitong nawalan ng trabaho.
Halos isandaang libong katao ang pumila ngayong araw sa labas ng service center sa Mongkok upang makakuha ng tiket sa ipamimigay na ayuda ng pamahalaan matapos na buksan sa publiko ang aplikasyon.
Simula Miyerkules, nakapag-aplay ang mga mamamayan para sa 10,000 dolyar na temporary unemployment relief scheme, isang bagong inisyatibo na ipinakilala ng mga otoridad upang mag-alok ng tulong sa mga taong nawalan ng trabaho dahil sa ikalimang wave ng outbreak ng COVID-19 sa syudad.
Ayon sa pinuno ng Policy Innovation and Coordination Office na si Doris Ho Pui-Ling, halos isang daang libong aplikasyon ang natanggap nila ngayong araw ng Huwebes, 70% sa mga ito ay may mga MPF account.
Sinabi rin niya na karamihan sa mga tao ay nagsumite ng mga aplikasyon sa online, isang proseso na maaaring matapos sa loob ng sampung minuto.
Matatandaan na sa ilalim ng temporary unemployment relief scheme, ang mga full-time at part-time na empleyado at mga self-employed na mamamayan ay maaaring mag-aplay para sa isang one off na ayuda na nagkakahalaga ng sampung libong HK dollars.