LGUs, inatasang gawing istrikto ang pagpatutupad ng minimum health protocols ngayong Lenten Season

LGUs, inatasang gawing istrikto ang pagpatutupad ng minimum health protocols ngayong Lenten Season

DAHIL sa inaasahang pagdagsa ng maraming deboto ngayong simula ng Semana Santa, umaasa ang Department of Interior and Local Government (DILG) na magiging responsable ang bawat lokal na pamahalaan (LGU) sa bansa sa pagpatutupad sa minimum public health standards.

“LGUs are, therefore, expected to be more creative and proactive in carrying out strategies to ensure that the public strictly complies with the MPHS while they are going about with their religious traditions or vacation,” pahayag ni Secretary Eduardo M. Año ng DILG.

Ilan sa mga pinapaalala ng ahensiya sa mga LGU ang palagiang pagsusuot ng face mask, lalo na sa mga pampublikong lugar at enclosed places, palagiang paghuhugas ng kamay, physical distancing; at pinakamahalaga aniya ay ang pagtugon sa mga libreng bakuna na ibinibigay ng pamahalaan laban sa COVID-19.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, hindi aniya dapat na magpakakampante ang publiko dahil sa bumababang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Batid ng ahensiya na hindi maiiwasan ang pagdidikit-dikit at pagkakaroon ng iba’t ibang aktibidad at selebrasyon kasabay ng pagninilay-nilay sa iba’t ibang lugar sa bansa kaya napakahalaga aniya ang masunod pa rin ang health protocol para maiwasan ang magkasakit sa COVID-19.

“We do not want the figures to go up again after the Holy Week because of laxity on the part of LGUs and non-adherence of MPHS by the public. Hence, local governments should expect and be ready to deal with the health and security concerns that may arise because of the huge influx of people going to the provinces,” ani Año.

Nauna nang nagpalabas ng advisory ang DILG sa lahat ng LGUs nito upang pakilusin nito ang local peace and order councils (LPOCs) para sa action planning, anticipating, at paghahanda para sa inaasahang dagsa ng tao sa maraming lugar sa bansa.

Bukod dito, dapat din aniyang maging prayoridad ng mga LGU ang public transport, emergency medical services, at pagpapatupad ng peace, order, at public safety ngayong Semana Santa.

“Dalawang taon na hindi nakapagdaos nang maayos na Semana Santa sa ating bansa kaya naman asahan na natin ang malaking bilang ng mga mananampalataya na lalabas ng tahanan para dito. The bottom line is we should ensure a safe and peaceful observance of Semana Santa 2022,” saad ni Año.

Sa kabilang banda, nauna nang nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na magsasagawa sa kani-kanilang panata o anumang aktibidad ng pananampalataya ngayong Semana Santa.

Kabilang dito ang mga paghalik sa mga santo upang maiwasan ang pagkalat o transmission ng sakit na COVID-19.

“Iwasan din natin ang paghalik sa mga Santo at Santa, iba pang mga imahen o poon sa ating mga simbahan dahil maaari itong maging paraan ng virus transmission,” pahayag ni Vergeire.

Pinayuhan na rin ng DOH na iwasan muna ang mga kahalintulad na aktibidad gaya ng pagpapapako sa krus para matiyak na hindi lang COVID-19 ang maiwasan kundi maging ang pagkakaroon ng sugat at impeksiyon.

“Kung maaari lang po sanang maiwasan natin ang mga aktibidad kagaya ng pagpepenitensya sa paraan ng pagpapako sa krus at iba pa upang maiwasan ang tetanus at pagkakaroon ng sugat at impeksyon,” ani Vergeire.

Payo pa ng DOH dito, nandito pa rin ang virus, kaya naman  patuloy aniya na ipatupad at i-practice ang minimum public health standards at iwasan ang pagsisiksikan sa mga lugar gaya ng bahay sambahan.

BASAHIN: Pagtalima sa health protocols sa publiko, panawagan ng DOH ngayong Semana Santa

Follow SMNI News on Twitter