SUNOD-sunod na pagtaas ng kaso ng dengue ang naitatala sa bansa, kaya naman may panawagan ang isang infectious disease expert na muling pag-aralan ang paggamit ng Dengvaxia laban sa dengue.
Para kay Dr. Rontgene Solante, isang infectious disease expert, na napapanahon nang muling irekonsidera ng pamahalaan ang paggamit ng bakuna laban sa dengue o ang Dengvaxia.
Ito ang ibinahagi ni Dr. Solante sa Laging Handa Public briefing nitong Lunes.
“I think it’s high time if in case the government can consider having the Dengvaxia they should review the data. They should review the benefit of this vaccine which is prevention of hospitalization and prevention of severe dengue,” pahayag ni Solante.
Ipinunto ni Dr. Solante na mayroong mga bansa naman na kasalukuyang gumagamit ng Dengvaxia kabilang na ang Singapore, Thailand, Indonesia, at Malaysia.
Samantalang dito sa Pilipinas na may mataas na kaso ng dengue ay wala aniyang ganitong klaseng preventive measure.
Sa kasalukuyan, suspendido ang paggamit ng Dengvaxia sa Pilipinas bunsod ng kinasangkutan nitong kontrobersiya sa nagdaang ilang taon.
Sakaling pahintulutan ang muling paggamit ng Dengvaxia, mahalaga aniya na magkaroon ng tamang rekomendasyon sa tamang edad, populasyon na pwedeng ibigay ang bakuna upang maalis ang anumang pag-aalinlangan dito.
“Unang-una, the vaccine is still suspended, so the suspension should be lifted before we can use it now. Kung pwede na nating gamitin then there should be guidelines on kung kailan natin siya gagamitin. Kung sinong population pwede nating gamitin with that guideline ang importante para gamitin natin na ang benefit nitong bakuna ay intended for those population na high risk of getting severe dengue or high risk for hospitalization. So dito natin makikita rin kung gaano ka importante ang mga bakuna specially sa pagsugpo ng kagaya nitong dengue virus na infection and can be also epidemic proportion,” ani Solante.
Dagdag ni Dr. Solante na batay sa tala ng World Health Organization (WHO), ang Pilipinas ang isa sa mga bansa na may mataas na kaso ng dengue.
Samantala, sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health (DOH), umabot na sa 64,797 na kaso ng dengue ang naitala sa bansa mula Enero 1, 2022–Hunyo 25, 2022.
Tumaas ng 90% ang bilang ng mga nagkasakit ng dengue kumpara sa nagdaang taon.
Sinabi rin ng DOH na nasa 274 na ang bilang ng nasawi sa bansa dahil sa dengue.
Sinabi naman ni Dr. Solante na mas mainam pa rin ang paglilinis ng kapaligiran na isa sa pangunahing paraan upang maiwasan ang nakamamatay na sakit na dengue.