KAKAILANGANIN ng Land Transportation Office (LTO) ng P6.8 bilyon upang matugunan ang usapin ng backlog ng mga plaka ng mga sasakyan.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni LTO OIC Romeo Vera Cruz na malaki pa ang kanilang backlog lalo na sa mga motorsiklo.
Ayon kay Vera Cruz, hihingi sila ng tulong sa 19th Congress para sa karagdagang pondo.
Sinabi ni Vera Cruz na wala silang problema sa produksyon ng mga plaka dahil mayroon silang 2 robots na karagdagan sa manual embossing machines.
Iginiit ng opisyal na kayang-kaya nilang tugunan ang backlog kung mayroon silang pondo.