Pamahalaan, makatitipid ng P15-B mula sa delisting ng mga pamilya sa 4Ps

Pamahalaan, makatitipid ng P15-B mula sa delisting ng mga pamilya sa 4Ps

MAKATITIPID ang pamahalaan ng P15 billion sakaling matanggal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ilang benepisyaryo na nakalista sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ayon kay DSWD Sec. Erwin Tulfo, ito’y dahil aabot sa 1.3 milyong pamilyang Pilipino ang posibleng matanggal sa listahan dahil hindi na ito kwalipikado pa sa benepisyo.

Tatanggalin ang mga pamilya sa listahan kung nakapagtapos na ang mga anak nito mula sa pag-aaral, kung ang mga ito ay nagkaroon na ng trabaho o kaya’y may negosyo na.

Subalit mananatili naman sa listahan ang mga hindi pa rin sapat ang pinagkakakitaan bilang panustos sa pag-aaral at pagpapakain ng kanilang pamilya.

Ayon naman kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, maaaring mapalitan ang mga natanggal ng bago at karapat-dapat na mga pamilyang makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.

Ang 4Ps o Republic Act No. 11310 na naisabatas noong 2019 ay isang programa na nagbibigay ng Conditional Cash Transfers sa mga mahihirap na pamilya ng hanggang pitong taon.

Ito’y para matulungan at magabayan sila sa pagkakaroon ng magandang kalusugan, nutrisyon at edukasyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter