KINONDENA ni National Youth Commission Chairman Usec. Ronald Cardema ang tinawag niyang paulit-ulit na pagsuway ni dating Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon sa Supreme Court TRO laban sa kanya.
Sa Pandesal Forum ngayong umaga, inisa-isa ni NYC Chairman Ronald Cardema ang para sa kanya’y paglapatasan ni Guanzon.
May temporary restraining order (TRO)ang Supreme Court laban sa pag-upo ni Guanzon bilang kongresista ng P3PWD Partylist.
Inatasan ang COMELEC na huwag ipatupad ang substitution ni Guanzon sa party-list.
Habang ang Kamara, ay hindi muna kikilalanin ang pag-upo ni Guanzon hangga’t umiiral ang TRO.
Ngunit sa social media, patuloy na kini-claim ni Guanzon na siya ay kongresista kahit naka TRO siya.
“Alam mo kahit hindi tayo abogado, kahit marami sa ating ang hindi abogado, napakasimple. Basahin ninyo yung TRO diyan. June 29 ordering COMELEC not to implement the assailed resolution of substitution, huwag ipatupad yung resolution na yun, and ordering the House of Representatives to not allow Guanzon and any of the substituting nominees to assume the Office of Representative,” ani Cardema.
Inalmahan din ni Cardema ang July 15 post ni Guanzon nang sabihin nito na moot and academic na o wala nang bisa ang TRO ng Supreme Court.
“Sasabihin mo na moot and academic yung order ng Supreme Court, aba? Baka pwede kang ma-disbar kasi binabastos mo ang kataas-taasang hukuman ng bansa,” ani Cardema.
Ayon naman kay Atty. Ferdie Topacio ng Citizens Crime Watch, assuming lamang si Guanzon gamit ang social media.
Halata rin aniya na naghahanap ito ng simpatya sa Facebook at Twitter.
“Well I’m sure hindi po mali na sabihin ko na in view of the TRO, hindi pa po nag-aassume si Ginang ay si Bb. Rowena Guanzon. Hindi pa po siya nag-aassume. Assuming lang po siya,” ayon kay Topacio.
Diin pa ni Topacio, may mabigat na dahilan ang Supreme Court kaya agad itong nagpalabas ng TRO laban kay Guanzon.
“Alam niyo ba na statistically speaking, 95% of applications of TRO to the Supreme Court directly are denied. Kasi very careful po ang Korte Suprema mag-isyu ng TRO,” ani Topacio.
Sa ngayon wala pang response si Guanzon sa pahayag nila Topacio at Cardema.