SINIMULAN nang dinggin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isyu kaugnay sa overcharging ng Grab sa kanilang mga pasahero.
Kasunod ito sa inihaing show cause order ng LTFRB board sa transportation network vehicle service (TNVS).
Naghain din ng reklamo ang Lawyers for Consumers Safety and Protection laban sa nasabing kompanya dahil sa hindi makatwiran na overcharging.
Partikular dito ang minimum fare na ₱85 at additional stop base fare na ₱40 kapag nagpa-book sa platform ng naturang TNVS.
Sinabi pa ni LTFRB Executive Director Robert Peig, lumabas sa inisyal na pagdinig ang ilang “inconsistencies” sa panig ng Grab partikular na ang hindi pagsunod sa fare structure na inilabas noong 2019.
Base sa fare structure na inilabas noong 2019, nasa P40 lang ang flag down rate sa Sedan habang P15 naman ang dagdag sa kada kilometro at P2 sa kada minuto.
Iginiit naman ni Atty. Ariel Inton, Presidente ng Lawyers for Consumers Safety and Protection na walang basehan ang pagpapatupad ng sobra-sobrang paniningil ng Grab.
Wala rin aniya itong parameter na nagdedetermina kung kelan dapat i-apply ng isang TNVS ang fare surge.
Pero, sa panig ng Grab, nilinaw ni EJ dela Vega, head ng mobility ng Grab PH na pasok pa rin sa allowable fare matrix ang kanilang sinisingil.
“Just to clarify, we have no surcharges talaga. Surge has always been in place I mean it’s been part of the fare matrix for years. I think, riders and passengers we cannot expect the difficulties on getting a ride and it’s a quit challenging in general given it is a Christmas season, people are on mobile. When we have, or when surges in place that is ultimately a function of supply and demand. But we expect, we hoped of patience from the riding public as we go to technology we are trying to serve as many people as possible. We make sure our driver partners also earn a healthy living,” pahayag ni Dela Vega.
“Any fares we charge are within the allowed fare matrix of the LTFRB,” dagdag aniya.
Kaugnay nito, nakatakda naman ang ikalawang pagdinig sa usapin sa susunod na Martes, Disyembre 13 kung saan inaasahang ipipresenta ng Grab ang computation nito sa singil sa pasahe.