Mahigit P39-M halaga ng iligal na droga, nakumpiska ng NCRPO sa loob ng isang linggo

Mahigit P39-M halaga ng iligal na droga, nakumpiska ng NCRPO sa loob ng isang linggo

SA presentasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO), umabot sa mahigit 39 milyon pisong halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga operatiba nito sa loob lamang ng isang linggo.

Batay sa datos ng NCRPO, simula December 3 – 9, 2022, nakapagtala ang NCRPO ng 39, 639, 224 pesos na halaga ng ipinagbabawal na gamot mula sa iba’t ibang drug buy bust operations nito sa rehiyon.

Nangunguna sa may pinakamaraming bilang ng iligal na droga na nasamsam ng PNP ang Southern Police District na may mahigit P28-M halaga ng iligal na droga, sinundan ng Northern Police District na may mahigit P6-M halaga ng iligal na droga, Manila Police District, Eastern Police District at Quezon City Police District.

Malugod namang ipinagmalaki ni NCRPO acting Regional Director PBGen. Jonnel Estomo ang tagumpay ng kanilang hanay mula sa laban ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Sa ilalim ng BIDA o Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan program ng pamahalaan, umaasa ang PNP katuwang ang mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan na magtutuluy-tuloy ang pagsuko ng maraming mamamayan at tuluyang pagtakwil sa impluwensiya ng iligal na droga.

Follow SMNI NEWS in Twitter