BINIGYANG pugay ng lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Catanduanes ang mga Abacaleros kasabay ng nagpapatuloy na pagdiriwang ng Abaca Festival dahil sila umano ang rason kung kaya’t ang Catanduanes ay nabansagang “Abaca Capital of the Philippines”.
Sa kabila ng nagpapatuloy na pandemya, ang Abaca Festival sa lalawigan ng Catanduanes ay naipagdiwang sa pamamagitan ng online o virtual na selebrasyon na nag umpisa noong ika-26 hanggang ika-28 ng Mayo 2021.
Ang lalawigan ng Catanduanes ang tinaguriang top producing province ng abaca sa buong bansa kung saan ang pagtatanim at pag-aani ng hibla nito ang mayoryang hanapbuhay ng mga taga isla.
Kasabay ng pagdiriwang ng Abaca Festival sa Catanduanes ay binigyang parangal at pagkilala ang mga Abacaleros na siyang dahilan para hirangin bilang “Abaca Capital of the Philippines ” ang lalawigan.
Batay sa datos, nasa 14,000 ang mga Abacaleros o mag -aabaca sa lalawigan ang nakadepende sa pagtatanim at pag-aani ng abaca na siyang ini-export sa iba’t ibang panig ng bansa at maging sa ibang bahagi ng mundo.
Ang hibla ng abaca ay kilala bilang pinaka kalidad na uri ng himaymay na kapag hinabi ay magiging magandang uri ng tela na ginagamit sa paggawa ng damit, kurtina, papel, lubid at iba pang produkto.
Naidaos ang selebrasyon sa pamamagitan ng Abaca Festival virtual concert, abaca tik tok dance fest at abaca-da! usaping pagpapaunlad ng tradisyong abaca sa isla.
Samantala, ang magarbong obra maestra ng mga local designers ng Catanduanes ay makikita sa lobby ng provincial capitol. Kabilang na ang mga festival queen costumes na gagamitin sa showdown ng festival queens na gaganapin ngayong Biyernes.
(BASAHIN: Catanduanes Governor Joseph Cua at asawa nito, positibo sa COVID-19)