Abuse of authority ng ilang kongresista sa SMNI Franchise hearing, inireklamo

Abuse of authority ng ilang kongresista sa SMNI Franchise hearing, inireklamo

SA nagpapatuloy ng SMNI Franchise hearing sa Kamara ay panibagong issue ang inuugnay kay Pastor Apollo C. Quiboloy—mga isyung wala namang kinalaman sa prangkisa.

Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, bakit aniya itinalaga bilang administrador ng mga ari-arian ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) si Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

At para sa host ng SMNI Laban Kasama ang Bayan na si Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz, abuso sa kapangyarihan ang pagtatanong ni Manuel.

“Una, nakita natin ngayong hapon kung paano hinostage ng mga komunistang teroristang party-list sa loob ang proseso ng demokrasya. Pinabayaan sila na magmaniobra upang ipahiya ang pagkatao ni Pastor Quiboloy,” saad ni Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz, Program Host, Laban Kasama ang Bayan.

Habang dinidinig ang prangkisa sa loob ng Kamara, ay walang kapaguran naman ang kilos-protesta ng mga supporter ng SMNI.

Bitbit ang mga placard at banda, patuloy nilang iginigiit na ibalik na sa free radio and TV ang network.

Ang mga katutubong binigyang boses ng network, nag-alay at pumatay pa ng buhay na manok—isang sagradong ritwal ng Indigenous Peoples bilang pagkondena.

“Una sa lahat ibalik po ninyo ang SMNI at itigil na po ninyo ang pangongondena sa aming pinakamamahal na Pastor at ang inyong pagbibigay at ng kung ano-anong mga hearing diyan na wala namang katuturan na yan!” ayon kay Geraldine Dandan, Organizer ng mga taga-suporta ng SMNI.

Tulad ng inaasahan, lumalabas na si Pastor Apollo ang target ng SMNI Franchise hearing.

Ito’y kahit nanindigan na ang kampo ng butihing Pastor na apat na taon na itong walang kinalaman sa day-to-day operations ng network.

Ngunit para sa mga miyembro ng House Committee on Legislative Franchises, dapat umano talagang lumitaw si Pastor Apollo sa kanilang imbestigasyon.

At para magawa ito nang sapilitan, nag-move ang komite na ipa-cite in contempt si Pastor Apollo.

Si Congressman Caraps Paduano, nagmamalaking inutusan ang House Sergeant at Arms na makipag-ugnayan sa law enforcement agencies para dalhin sa Kamara si Pastor Apollo—kahit na walang warrant of arrest mula sa mga awtoridad.

“Ang matindi pa, itong hambog at abusado na si Congressman Paduano, nag-aastang may-ari ng komitiba eh wala namang karapatan ang mga tao diyan, pag pumapasok sa kanila eh kung ano ang gusto nilang ipatupad at ipitin ka nang ipitin,” ayon pa kay ‘Ka Eric’.

Para naman sa legal team ni Pastor Apollo, matagal na nilang inaasahan ang contempt order at ang mga panggigipit ngayon sa Kamara.

Pati na ang committee approval sa franchise revocation ng SMNI.

Committee approval panukalang franchise revocation ng SMNI, inaasahan na—Legal Counsel

“Inilaban naman po namin, nakita niyo naman po na ‘yung pong phrase na without legal justification, nagbigay po kami ng legal na paliwanag kung bakit hindi na kinakailangan ang presensya ni Pastor Apollo Quiboloy ngunit sa kasawiang palad ay hindi na po tayo napakinggan,” ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, Legal Counsel.

Nauna nang iginiit ng butihing Pastor na may mga banta sa kaniyang buhay mula sa US Government kaya hindi nito sinisipot ang mga patawag ng Kamara maging sa Senado.

Nakarating kay Pastor Apollo na rendition ang planong gawin ng US sa kaniya—isang operasyon na ginagawa ng Central Intelligence Agency (CIA) ng Estados Unidos.

Ang “extraordinary rendition” ay ang pagdukot o pag-aresto sa mga indibidwal na ipinadala sa mga bansa kung saan may mataas na banta ng torture at abuso.

At oras na lumitaw ito sa Senado at Kamara, maaaring hindi na ito makabalik pa dahil sa banta ng rendition.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble