MAGKAKALOOB ang Asian Development Bank (ADB) sa Pilipinas ng hanggang $4-B para suportahan ang socio-economic agenda ng bansa at iba pang ‘Build Better More Infrastructure Development Program’ ng pamahalaan para sa 2023.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nabanggit ito ni ADB President Masatsugu Asakawa kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa naganap na pulong kamakailan sa ADB headquarters.
Ang naturang grant ay bilang suporta sa ilang transformative projects tulad ng Bataan-Cavite Interlink Bridge Project, Davao Public Transport Modernization Project, at Integrated Floor Resilience and Adaptation Project.
Tampok ang key aspects ng ADB-Philippines partnership, sinabi ni Masatsugu na itinaas ng ADB ang financing nito sa Pilipinas ng 4 na beses na umabot sa kabuuang $12.7-B sa pagitan ng 2018 at 2022.
At dahil sa pagiging vulnerable ng Pilipinas sa mga epekto ng climate change, inilahad ni Masatsugu na ganap na nakatuon ang ADB sa pagtulong sa Pilipinas sa aspetong ito.
Sa panahon ng COVID-19 lockdown noong unang bahagi ng 2020, nakapamahagi rin aniya ang ADB ng food packages na binili sa ilalim ng Bayanihan Project para sa mahigit 260-K vulnerable families sa Metro Manila.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Masatsugu sa Pilipinas sa pagiging mahusay na host sa taunang pulong ng ADB noong Setyembre 2022.
Sa nabanggit na annual meeting, inanunsiyo ng financial institution ang kanilang $14-B assistance package mula 2022 – 2025 upang matulungan ang developing member countries na tugunan ang mga isyu sa seguridad sa pagkain.
Ang ADB ay may espesyal at matibay na pakikipagtulungan sa Pilipinas bilang host country nito, sabi ni Masatsugu, sabay idiniin ang kontribusyon ng ama ni Pangulong Marcos, ang yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr. sa pagtatatag ng punong-tanggapan ng ADB sa Pilipinas ilang dekada na ang nakararaan.
Bilang karagdagan, sinabi ni Masatsugu na 70% ng mga kawani ng ADB sa punong tanggapan nito ay mga Pilipino.
Ang ADB ang top source ng Pilipinas ng aktibong Official Development Assistance (ODA) sa 20 development partner noong 2022, na nagkakahalaga ng 34% o $10.74-B para sa 31 loans at 28 grants ng $31.95-B ng kabuuang active na ODA.
Mula 2010 – 2022, ang taunang loan financing ng ADB para sa Pilipinas ay umabot sa $1.4-B.
Sa patuloy na pangako nito sa Pilipinas, 3 pautang na nagkakahalaga ng $1.10-B ang nilagdaan sa bangko sa loob ng unang 9 na buwan ng administrasyong Marcos.
Itinatag ang ADB noong 1966, na nakatuon sa pagkamit ng maunlad, inklusibo gayundin ng resilient, at sustainable development sa Asya at Pasipiko.