World Bank, muling binigyang-diin ang suporta sa development agenda ng Marcos admin

World Bank, muling binigyang-diin ang suporta sa development agenda ng Marcos admin

MULING iginiit ni World Bank (WB) Managing Director for Operations Anna Bjerde ang malakas na suporta nito sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pagkamit ng bisyon nito tungo sa isang maunlad, inklusibo at poverty-free society pagsapit ng 2040.

Si Bjerde, na nagtapos sa kaniyang 2 araw na pagbisita sa Pilipinas noong Martes, ay nagsagawa ng courtesy visit sa mga miyembro ng gabinete sa Palasyo ng Malacañang upang iayon ang mga prayoridad ng bangko sa agenda ng pag-unlad ng Pilipinas.

Sa isang pulong kasama ang mga matataas na opisyal ng administrasyon, ipinarating ni Bjerde ang patuloy na pangako ng WB sa pagsuporta sa development agenda ng bansa.

Partikular sa usapin ang renewable energy transition, climate change, food & agriculture, water & sanitation, innovation, at digitalization.

Alinsunod sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 para sa malalim na pagbabagong pang-ekonomiya at panlipunan, sumang-ayon ang WB na suportahan ang priority areas ng gobyerno sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang larangan.

Sa ginanap na meeting, kasama sa mga kilalang programang tinalakay ay ang Teacher Effectiveness and Competencies Enhancement Project (TEACEP) at Philippine Rural Development Project (PRDP) Scale-Up.

Ang iminungkahing TEACEP ay naglalayon na mapabuti ang kalidad at access sa pagtuturo sa Kindergarten hanggang Grade 6 sa mga rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Zamboanga Peninsula, at Soccsksargen (South Cotabato-Cotabato-Sultan Kudarat-Sarangani-General Santos City).

Sa kabilang banda, ang Philippine Rural Development Project Scale-Up ay bubuo sa nakaraang PRDP upang higit na mapabuti ang pag-access ng mga magsasaka at mangingisda sa mga pamilihan at dagdagan ang kita mula sa mga piling agriculture and fisheries (A&F) value chains.

Binigyang-diin ng World Bank ang mga pagkakataon para sa Pilipinas na higit pang palakasin ang mga pamumuhunan at pangmatagalang paglago.

Ang WB-International Bank for Reconstruction and Development (IBRD) ay ang ikatlong pinakamalaking official development assistance (ODA) partner ng Pilipinas, na may aktibong loan at grant na humigit-kumulang US$6.8-B, na 21.2 porsiyento ng kabuuang ODA ng bansa.

Kabilang sa mga miyembro ng gabinete na nakipagpulong kay Bjerde ay ang mga kalihim ng Department of Finance (DOF), National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Energy (DOE), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Budget and Management (DBM) at ng Presidential Communications Office (PCO).

Bago ang courtesy visit sa Palasyo, nakapulong din ni Finance Secretary Benjamin Diokno si Bjerde sa tanggapan ng DOF kung saan tinalakay ang patuloy na partnership sa pagsusulong ng mga transformative projects sa agrikultura, kalusugan, edukasyon, food security, RE, at climate finance.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter