IMINUNGKAHI ng isang senatorial candidate na bigyang konsiderasyon ang mga kababayang naka work-from-home (WFH) bago ito pabalikin sa mga opisina.
Ito’y matapos luwagan ang implementasyon na ipinatutupad kontra COVID-19.
Paliwanag ni dating PNP chief at senatorial candidate Guillermo Eleazar, dapat na bigyan muna ng “adjustment period” ang mga empleyadong naka work-from-home simula pa nang mag-umpisa ang pananalasa ng pandemya lalo na ang mga kabilang sa sektor ng business process outsourcing (BPO).
Dapat aniyang unti-untiin ang pagbabalik sa opisina dahil marami sa mga ito ang nangangambang bumiyahe at mamalagi sa opisina sa kadahilanang may mga kasama itong sanggol o magulang na may commorbidity at hindi pa bakunado.
Isaalang-alang din sana ng pamahalaan ang pagtaas ngayon ng presyo ng langis at ilang mga bilihin na epekto ng nagpapatuloy na alitan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon kay Eleazar, sa pananaw ng publiko ay mas makatitipid pa ang mga ito sa work-from-home arrangement dahil ang pera na dapat sana ay gagastusin sa kanilang pamasahe at pagkain sa pagpasaok sa trabaho ay maari pa nilang magamit sa iba pang gastusin para sa pamilya.
“Sa pananaw ng marami sa ating mga kababayan, mas makakatipid pa sa work-from-home arrangement dahil yung pera na dapat sana ay gagastusin sa pamasahe at pagkain sa kanilang pagpasok sa trabaho ay magagamit na sa ibang expenses para sa pamilya,” pahayag ni Eleazar.
Iginiit din ni Eleazar na masigasig at produktibo ang mga Pinoy kahit nagtatrabaho ang mga ito sa kani-kanilang tahanan.